SWAK sa selda ang dalawang indibidwal makaraang madakip sa inilatag na entrapment operation ng mga tauhan ng Manila Anti-Cybercrime Team (MDACT) dahil sa binebentang paputok sa pamamagitan ng social media, sa Barangay San Roque, Navotas City , noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina “Joshua”, 20, at “Jeffrey”, 25, kapwa ng Brgy. San Roque, Navotas City.
Batay sa ulat ni Police Major Reynaldo Salim, team leader ng MDACT, bandang alas-10:50 ng gabi, isinagawa ang entrapment operation sa Gold Rock, Brgy. San Roque, Navotas City, katuwang ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Robert Domingo, hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management Division ( DIDMD) ng Manila Police District, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 7 piraso ng Atomic Bomb, 70 piraso ng Kingkong Arko (regalo), 2 piraso ng Crying Cow Bomb, 2 piraso ng Atomic Crying Cow Bomb, at 10 piraso ng Kabase.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7183 o Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices in relation to Sec. 6 of RA 10175 otherwise known as Cybercrime Prevention Act of 2012. (RENE CRISOSTOMO)
