PINAALALAHANAN ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga driver na huwag magmaneho nang lasing upang makaiwas sa sakuna o maharap sa humigit kumulang sa 500 libong multa.
Ayon kay PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sa ilalim ng umiiral na Republic Act 10568 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act, ang parusa sa sinomang mapatutunayan na nagmamaneho nang lasing o nasa impluwensya ng ilegal na droga ay maaaring makulong o pagmultahin ng humigit kumulang kalahating milyong piso (P500,000) depende sa bigat ng pagkakasala.
Kaugnay nito, inatasan ni PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang PNP Highway Patrol Group na pinamumunuan ni HPG chief Brig. Gen. Clifford Gairanod na ayudahan ang Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Office sa pagtugis sa mga lasing na motorista sa gitna ng sunod-sunod na okasyon ngayong kapaskuhan kabilang ang kaliwa’t kanang Christmas party at mismong selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
Inihayag din ng heneral na may direktiba siyang tumulong sa traffic management ang mga tauhan ng PNP HPG lalo na sa matataong lugar tulad ng mall, simbahan, bus terminal, paliparan, pantalan, mga pook pasyalan at iba pa. (JESSE KABEL RUIZ)
401
