3M GUTOM NA PINOY

NASA 3 milyon o 11.8% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o gutom at walang makain o minsan nang nakaranas ng gutom sa huling tatlong buwan ng 2022, ayon sa isang survey.

Sa Mindanao, ang pinakamataas na gutom ay nasa 12.7 percent sinundan ng Visayas sa 12 percent, Metro Manila, 11.7 percent at Balance Luzon, 11.3 percent.

Nakaaalarma ang numero ng mga gutom dahil pamilya ang binilang, hindi indibidwal. Kung ilalapat sa 5 miyembro kada pamilya ang kabilang sa nakaranas ng gutom, ito ay tantiyang 15 milyon. Ngunit hindi ito representasyon ng tunay na kalagayan ng mga pamilya sa malalayo at liblib na lugar.

Tataas pa ang bilang ngayon dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at napipintong pagtaas ng presyo ng iba pang produkto.

Sabagay, sa naunang survey, nasa 30 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabi na gumanda ang kalidad ng kanilang pamumuhay noong 2022 kumpara noong sinundang taon. Ngunit, gaganda o sasadsad ba ang kalidad ng kanilang pamumuhay ngayong taon ng rabbit?

Walang nangyari sa pangako ng nakaraang administrasyon na walang maiiwan sa pagsugpo ng pamahalaan sa kahirapan at kagutuman, alinsunod sa sustainable development goals ng United Nations na kinabibilangan ng No Poverty, Zero Hunger, Good Health and Well-being, at Quality Education.

Ngayon, may alingawngaw ang kasalukuyang administrasyon sa nasabing pangako.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Filipino community sa Thailand na wala nang magugutom na Pilipino. Nangako rin siya na gagawin ang lahat para mapalakas ang ekonomiya at makapagbigay ng maraming trabaho at oportunidad sa mga Pilipino.

Sa paanong paraan gaganda ang buhay ng mga Pinoy at maisasalba ang mga salat na dukha mula sa kahirapan?

Kailangang proteksyonan ng pamahalaan ang mga pangunahing karapatan ng mamamayan. Walang katiyakan na may seguridad sa pagkain, pangangalaga ng kalusugan, pantay na karapatan sa trabaho, sapat na kinikita at iba pa na mag-aangat sa kalidad ng buhay at dignidad ng mga Pilipino.

Nasa tamang direksyon ba ang Pilipinas sa pagkamit ng layuning wakasan ang kagutuman at kahirapan?

363

Related posts

Leave a Comment