LASING NAKATULOG SA KALSADA, PATAY SA TRUCK

patay

LAGUNA – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang hindi pa kilalang lalaki na dahil umano sa kalasingan ay napahiga at nakatulog sa kalsada kaya nasagasaan ng truck sa bayan ng Lumban, sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.

Ayon sa report ng Lumban Police, nakaladkad pa ng 40 metro ang biktima na nagdulot ng grabeng pinsala sa ulo at katawan na agad  nitong ikinamatay.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-5:30 ng umaga, tinatahak ng truck na minamaneho ni Ronald de Guzman, ang national highway patungo sa bayan ng Pagsanjan ngunit pagsapit sa Barangay Lewin, Lumban ay masagasaan nito ang nakahigang biktima.

Ayon sa pahayag ng driver sa pulisya, hindi nito napansin at hindi rin inakala na may taong nakahiga sa kalsada.

Sa panayam kay P/Maj. Ruffy Taduyo, hepe ng Lumban Police, may isang witness  na nakakita sa biktima na naglalakad  bago ito napahiga sa semento.

Subalit bago pa ito nasaklolohan ay dumaan na ang truck. Sinabi ng witness na tila lasing at pasuray-suray ang lalaki.

Pansamantalang ikinustodiya ng Lumban Police ang driver ng truck habang patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima. (NILOU DEL CARMEN)

182

Related posts

Leave a Comment