TARGET NI KA REX CAYANONG
ABA’Y laging maaasahan ng kanyang nasasakupan si Laguna 3rd District Rep. Loreto “Amben” Amante.
Super sipag naman kasi ng solon at halos wala nang pahinga sa paglilingkod sa ikatlong distrito.
Kamakailan naman, nasa 1,500 Japanese business firms ang nagpakita ng interes sa Philippine Business Opportunities Forum sa Japan.
Kung matatandaan, nagtungo roon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa limang araw na working visit kung saan kasama pala sa grupo ni Cong. Amante.
Bukod kay Amante, kasama rin sa biyahe si House Speaker Martin Romualdez at iba pang mga mambabatas at government officials na nagpakita ng suporta sa mga layunin ng Presidente.
Sabi nga ni Cong. Amante, talagang malaking tulong sa bansa ang 35 deals at Letters of Intent na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Japan sakaling maisakatuparan ito.
Siyempre, ikinalugod din ng mambabatas ang karagdagang mga kaalaman na makatutulong sa pagbuo o pagbabago ng mga batas na kinakailangan upang higit na makahikayat ng mga mamumuhunan sa ating bansa.
Samantala, patuloy na inuulan ng pasasalamat sina Mayor Leonardo Max Roxas at Vice Mayor Aida Bien Roxas ng Paniqui, Tarlac.
Namahagi kasi sila ng 40 pirasong LED Smart TVs para sa Child Development Workers.
Siyempre, magagamit nila ito sa kanilang mga paaralan at malaking tulong para sa kanilang pagtuturo at para sa mas progresibong pag-aaral ng mga bata.
Kaliwa’t kanan din ang ipinamamahaging tulong ng mga Roxas sa mga nangangailangan.
Katunayan, kamakailan ay personal na nagtungo sa tanggapan ni Roxas ang isang ginang upang magpasalamat at ipaalam na naging matagumpay ang operasyon kay Mateus Jai Ofrecio na mayroong hydrocephalus.
“Labis ang pasasalamat ng kanyang ina na si Gng. Marlette Ofrecio, kasama si Sec. Jayson Portin ng Brgy. Matalapitap sa ating Mayor Max at Vice Mayor Bien sa pagpapadala kay Mateus sa Philippine Children’s Hospital at pagsagot sa mga gastusin para sa kanyang matagumpay na operasyon,” ayon sa pahayag ng kampo ng alkalde.
Malaking tulong naman ang pagsuporta ni Mayor Max sa pagkakaroon ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Namkwang Road, Brgy. Estacion, Paniqui.
At kung hindi ako nagkakamali, noong Pebrero 13 ay nagsimula na ang operasyon ng LTO sa kanilang bagong lugar sa Namkwang Road. Bukas ang LTO Paniqui mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Mabuhay po kayo mga bossing at God bless!
255