Hindi smuggler ONION PLAYERS PINAKULONG NG KAMARA

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI smuggler na unang target hubaran ng maskara sa Kamara kundi mga opisyal ng Argo Cold Storage ang ipinakulong ng sampung araw sa Batasan Pambansa Complex dahil sa kabiguang ilantad ang kanilang mga kliyenteng onion trader.

Kaugnay ito sa iniimbestigahang hoarding, price manipulation at cartel ng sibuyas.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House committee on agriculture and food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido “Mark” Enverga, nagmosyon si Sagip party-list Rep. Dante Marcoleta na i-contempt ang mga opisyal ng Argo Cold Storage na sina Efren Zoleta Jr., pangulo ng kumpanya at isa sa opisyal na si Patrick John Sevilla at maging ang kanilang abogadong si Atty. Atty. John Ryan Cruz.

“Mr. Efren Zoleta Jr., John Patrick Sevilla and Atty. John Ryan Cruz is hereby cited for contempt,” deklarasyon ni Enverga matapos lumabas sa botohan na 35 sa 49 miyembro ng komite ang pumabor na i-contempt ang mga ito.

Tanging si Sevilla ang binitbit ng House Sgt. At Arms at dinala sa kanyang magiging kulungan sa Batasan Pambansa Complex habang nakatakdang maglabas ng arrest warrant ang komite laban kina Zoleta at Cruz na wala sa pagdinig kahapon.

Ipinataw ng komite ang maximum 10 days imprisonment sa tatlo na siyang nakasaad sa House rules ukol sa mga tao o resource person ng Kongreso na nako-contempt.

Nag-ugat ang pag-contempt sa tatlo nang hindi maibigay ng mga ito ang mga dokumento na nagsasaad kung sino-sinong onion traders ang kliyente sa kanilang cold-storage.

Idinahilan ni Sevilla na confidential ang impormasyon ng kanilang mga kliyente kaya hindi nila maibigay ang buong impormasyon na hinihingi ng komite bagay na kinontra ng mga mambabatas.

Samantala, nagmosyon naman si Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na sampahan din ng contempt ang mga resource person na patuloy na hindi dumadalo sa pagdinig kahit iniimbitahan ang mga ito.

Kabilang dito sina George Ong ng Super Five Cold Storage at Renato Francisco ng Yom Trading.

Samantala, hindi naman nakadalo ang tinaguriang “Sibuyas Queen” na si Lilia “Leah” Cruz dahil may hearing umano ito sa Sandiganbayan kasabay ng pagdinig ng nasabing komite.

271

Related posts

Leave a Comment