33 OPISYAL NA DAWIT SA PHARMALLY SINUSPINDE

TATLUMPU’T tatlong opisyales ng gobyerno – kabilang si Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao – ang pinatawan ng anim na buwang suspensyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng di umano’y overpricing sa mga COVID-19 testing kits na binili ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation tatlong taon na ang nakalipas.

Sa kalatas na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires, nakitaan ng sapat na dahilan para isailalim ng ‘preventive suspension’ si Lao at iba pang mga opisyales mula sa DBM at Department of Health.

Bukod kay Lao, pasok din sa talaan ng mga kinastigo si dating DBM Procurement Service Group director at ngayo’y Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong.

Kasama rin sa mahabang talaan ng mga sinuspinde sina Christine Marie Suntay, Fatimah Amsrha Penaflor, Joshua Laure, Earvin Jay Alparaque, Julius Santos, Paul Jasper De Guzman, Dickson Panti, Karen Anne Requintina, Rodevie Cruz, Webster Laureñana, Sharon Baile, Gerelyn Vergara, Abelardo Gonzales, Jez Charlemagne Arago, Nicole John Cabueños, Ray-ann Sorilla, Chamel Fiji Melo, Allan Raul Catalan, Mervin Ian Tanquintic, Jorge Mendoza, III, Jasonmer Uayan, August Ylangan.

Sa hanay ng DOH, suspendido rin ang noo’y Assistant Secretary Nestor Santiago, Jr., at procurement service director Crispinita Valdez.

Damay rin sina Amado Tandoc, Lei Lanna Dancel, Dave Tangcalagan, Jhobert Bernal, Kenneth Aristotle Punzalan, Rose Marasigan at Maria Carmela Reyes mula naman sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

“Indubitably, respondents’ continued stay in office may prejudice the case filed against them,” ayon sa kalatas ng Ombudsman.

Paniwala ni Martires, masyadong malakas ang ebidensyang patunay na may naganap na ‘milagro’ sa transaksyon ng pamahalaan sa Pharmally noong kasagsagan ng pandemya.

Sa datos na kalakip ng kaso, lumalabas na mas naunang dumating ang hindi bababa sa 500,000 face mask na sinuplay ng Pharmally bago pa man napirmahan ang purchase order.

Nahaharap ang mga binanggit na opisyal sa kasong grave misconduct, gross neglect of duty, serious dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service.

“The gravity of these offenses coupled with the seriousness of their participation would warrant removal from the service,” dagdag pa ni Martires.

305

Related posts

Leave a Comment