KAWALAN NG TRABAHO NG PINOY DAPAT TUGUNAN

SA isang survey, lumalabas na 69% ng Filipino adults ang nahihirapang humanap ng trabaho ngayon.

Ayon ito sa Social Weather Stations na nagsabi ring 11% naman ang aminadong madali lang maghanap ng trabaho.

Malaking porsyento ng mga Pilipino ang nahihirapang maghanap ng trabaho kaya hindi katanggap-tanggap na kalahati sa mga Pinoy ay nananatiling kumpiyansa na magkakaroon ng trabaho sa mga susunod na buwan. Umaasa ba sila sa pangako ng pamahalaan na may mga mamumuhunan para makalikha ng mga trabaho?

Ang mahirap, ginagawang basehan ang mga survey ng mga gumagawa ng polisiya at hakbang sa isyu o problema na pinalutang ng mga istatistika ng mga survey.

Minsan, kundi man madalas, ay malayo kung paghahambingin ang nakalap na impormasyon ng mga survey firm sa datos ng pamahalaan.

Gaya nito, sinasabi ng SWS na 19 porsyento o tinatayang 8.7 million Filipinos ay walang trabaho nitong Marso 2023, mula sa 21.3 percent o 9.6 milyon noong Disyembre 2022.

Malayo ito kung ikukumpara sa 4.7 percent unemployment rate nito ring Marso na inilabas ng Philippine Statistics Authority.

Paliwanag ng SWS, ang joblessness rate nito ay iba sa PSA dahil magkaiba ang kanilang depinisyon ng employment, saklaw na edad, age range at pinagbasehang panahon.

Maliit o malaki man ang agwat ng pigura ng survey at ng PSA, may tanong pa ring lulutang kung paano masasabing 4.7 porsyento o 19% ang walang trabaho kung 69 porsyento ng mga adult Pinoy ay nahihirapang makahanap ng trabaho.

Hindi na ito dapat pang pagtalunan. Kailangang tugunan ng pamahalaan ang problema sa trabaho sa pamamagitan ng paglikha ng mga lokal na trabaho at huwag nang umasa sa mga pangako ng mga banyagang mamumuhunan.

Ang pangako ay hindi nakapagpapalakas ng loob at kumpiyansa. Hindi ito konkreto at agarang remedyo sa pangangailangan.

Higit sa lahat, ang trabaho ay mahirap hanapin dahil sa taas ng antas ng deskripsiyon ng posisyon at ang kwalipikasyon para sa mga gustong magtrabaho. May mga itinatakda pang age limit, karanasan, at iba pa na dagdag sa predikamento ng mga naghahanap ng trabaho.

Hindi survey ang magdidikta para gumawa ng hakbang ang pamahalaan. Ang tutukan ng pansin ng gobyerno ay ang may sentido komon na katotohanan kung ano ang tunay na mga dahilan kung bakit nahihirapan ang mga Pinoy na makahanap ng trabaho.

Isa sa mga reyalidad na dapat ding tanggapin ay kulang ang nakalaang trabaho sa sankaterbang jobseeker.

995

Related posts

Leave a Comment