NABITAG ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District – Sampaloc Police Station 4, ang target na umano’y tulak ng ilegal na droga habang nadamay ang tatlo nitong parukyano, sa inilatag na buy-bust operation sa panulukan ng Fajardo at J. Marzan Streets, Sampaloc, Manila noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang target na suspek na si Edmon Reyes, binata, nasa drug watchlist ng pulisya, at residente ng Brgy. 456, Sampaloc, Manila.
Samantala, ang tatlong umano’y parukyano ni Reyes ay inaresto rin sa operasyon, na kinilalang sina alyas “Leonel,” 29; alyas “Jefferson”, 25, nasa drugwatch list din ng pulisya, at alyas “Michael,” 45-anyos.
Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, station commander, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU ang buy-bust operation sa pangunguna ni Police Captain Agopito Carpio, kabilang sina Police Executive Master Sergeant Oliver Balingit, kasama sina Police Staff Sergeant Mikko Atienza, Police Corporal Rommel Ponce, Police Corporal Arvin Gomez, Patrolman Alvin Olitres, at Patrolman Ed Emmanuel Enguerra, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska ang 10 gramo ng umano’y shabu na katumbas ng halagang P68,000, sa mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous DrugS Act of 2002). (RENE CRISOSTOMO)
270
