DATING SEN. BIAZON NAMAYAPA NA SA EDAD 88

PUMANAW na sa edad na 88 si dating Senador Rodolfo Biazon dahil sa serious pneumonia.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Rino Biazon na alas-8:30, Lunes ng umaga nang mamaalam ang dati ring chief of staff ng Armed Forces of the Philippines.

Noong isang taon, na-diagnose ang Marine General na may lung cancer at sumailalim sa treatment subalit Mayo 21 nang tamaan ito ng serious pneumonia.

Una na ring kinumpirma ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon na na-intubate pa ang dating senador mula Mayo 22 hanggang Hunyo 3 bago ito tuluyang namaalam nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa pamilya Biazon, ibuburol ang dating heneral sa Heritage simula ngayong Martes.

Si Pong Biazon ay nagsilbi bilang AFP chief of staff noong 1990 hanggang 1991 bago naging senador mula 1992 hanggang 2010 at nagsilbi bilang kongresista ng Muntinlupa noong 2010 hanggang 2016.

Kaugnay nito, nagluksa ang mababang kapulungan ng Kongreso sa pagpanaw ni Biazon.

Bilang pakikiramay at pagdadalamhati sa dating miyembro ng Kapulungan, inilagay sa half mast ang bandila ng Pilipinas sa Batasan Pambansa.

Inilarawan ni House Speaker Martin Romualdez si Biazon bilang “model citizen, brave soul.

“A brave soul has been summoned back to God’s army on a day that we Filipinos associate with bravery. That is a fitting tribute to Pong Biazon by the Almighty, telling us to emulate the great Filipino that he was,” ani Romualdez.

Si Biazon ang instrumento sa pagkabigo ng Reformed the Armed Forces Movement (RAM) na pinamunuan ni dating Col. Gringo Honasan na ikudeta si dating Pangulong Corazon Aquino habang siya ay Commanding General of the AFP NCR Defense Command at Commandant of the Philippine Marine Corps. (DANG SAMSON GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

302

Related posts

Leave a Comment