ITINUTURING ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na ‘bittersweet’ ang pagdiriwang ngayong araw ng 125th Independence Day dahil kasabay nito ang pagluluksa sa pagpanaw ni dating Senador Rodolfo Biazon.
Sinabi ni Zubiri na isa si Biazon sa kilalang matibay na tagapagtanggol ng kapayapaan at demokrasya sa bansa.
Ipinagpapasalamat pa ng lider ng Senado na nagkaroon pa sila ng pagkakataong makasama ang yumaong mambabatas sa kanilang Senate reunion noong Oktubre kung saan ipinakita pa rin anya nito ang kanyang pagiging fountain of guidance at wisdom para sa mga kasalukuyang miyembro ng Mataas na Kapulungan.
Samantala, Sinabi ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na ang hindi matatawarang commitment ni Biazon sa seguridad at kapakanan ng bansa ay hindi kailanman malilimutan.
Pribilehiyo namang itinuturing ni Senador Jinggoy Estrada ang makasama sa 13th at 14th Congress ang dating heneral kung saan nasaksihan niya ang passion ni Biazon sa public service at ang adbokasiya sa low-cost housing at pagtataas ng benepisyo ng mga sundalo.
Idinagdag ni Estrada na ang karunungan, karanasan at katang-tanging work ethic ni Biazon ay patunay na isa siyang invaluable asset ng institusyon at tunay na inspirasyon para sa lahat.
Hindi naman makakalimutan ni Senador Risa Hontiveros ang mga pakikibaka nito kasama si ang yumaong senador na anya’y nagpakita ng mataas na respeto sa karapatang pantao, at mga katangian ng isang officer and a gentleman.
Kapuri-puri para sa senadora ang palagiang kahandaan ni Biazon na lumabas sa kanyang pribadong buhay sa tuwing kailangan ng bansa ang kanyang serbisyo.
Samantala, inilarawan ni Senador Bong Revilla si Biazon bilang true officer and a gentleman na handang isakripisyo ang buhay para sa bansa at sa mamamayan dahil sa kanyang pagmamahal sa bayan.
Sinabi naman ni Senador Grace Poe na nakalulungkot man ang pagkawala ng anya’y katangi-tanging sundalo at mambabatas subalit ang kanyang mga naiambag sa military institution at sa lawmaking ay hindi kailanman makalilimutan.(Dang Samson-Garcia)
251
