SINAMPAHAN na ng kaso ang 50 tauhan ng Philippine National Police (PNP) kabilang ang dalawang opisyal na inirekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggapin ang kanilang courtesy resignation.
Ayon sa National Police Commission (Napolcom) sa isang pulong balitaan, kasong kriminal ang isinampa sa 50 pulis kaugnay sa kontrobersyal na 990kg biggest drug haul sa kasaysayan ng PNP.
Sinabi ni Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Alberto Bernardo, ang dalawang opisyal ay hindi nakita sa CCTV footage na inilabas noon ngunit sangkot naman sa conspiracy na may kaugnayan sa nasabing krimen.
Paliwanag ni Atty. Bernardo, ang pagsasampa ng kaso laban sa dalawa ay batay sa sinumpaang salaysay ng iba pang mga pulis na kanilang mga nakasama na bumitbit sa kanilang mga pangalan sa kasong ito.
Sa ngayon ay tumanggi muna ang Napolcom na pangalanan ang dalawang opisyal sa kadahilanang may sinusunod anila silang proseso ukol dito.
“Yung 2 sa 4 [police officials na inirekomendang tanggapin ang courtesy resignation] ay nasama rito sa sinampahan namin sa Office of the Ombudsman,” ani Bernardo.
Kung maalala, sa 50 police officers na sinampahan ng kasong kriminal ng PNP at Napolcom sa Ombudsman, 12 sa mga ito ay mga police commissioned officers kung saan kasama rin sina dating Deputy Chief for Operations PLTGEN Benjamin Santos Jr. at dating PNP Drug Enforcement Group Director PBGEN Narciso Domingo.
Ikinatuwa naman ng chairman ng House committee on dangerous drugs ang patong-patong na kasong isinampa ng Napolcom sa dalawang PNP Generals at 48 iba pa sa nasabing shabu haul.
Sa panayam kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, umaasa ito na agad uusad ang kasong isinampa ng Napolcom upang maparusahan ang mga sangkot sa tangkang pag-cover-up sa kaso ni dating Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
“Base din sa hearing na ginawa ng comm on drugs sa Kongreso, may criminal liability ang mga opisyal ng PNP magmula sa pagpapabaya hanggang sa planong pagtatakip,” ani Barbers.
Dahil dito, nararapat lamang aniya na sampahan ng criminal case ang mga sangkot sa pangunguna nina Police Lieutenant General Benjamin Santos Jr., Police Brigadier General Narciso Domingo, Police Colonel Julian Olonan, Lt. Col. Arnulfo Ibañez, Lt. Col. Glenn Gonzales at iba pa.
Bukod aniya ito sa administrative case na umuusad na ngayon upang masiguro na pagdusahan ng mga sangkot ang kanilang nagawang kasalanan at hindi na pamarisan ng iba.
“Hindi dapat palampasin ang mga ilegal na gawain ng kawani ng pulisya lalo na’t ito ay droga,” ayon pa kay Barbers.
Walang pumatol
kay Digong
Samantala, walang pumatol at tila pinagtawanan lamang sa Kamara ang mungkahi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mag-resign ang lahat ng puwersa ng PNP upang tuluyang malinis sa droga ang organisasyon.
Ilang mambabatas ang kinunan ng reaksyon ukol dito subalit walang pumatol sa ideya ng dating Pangulo at sa halip ay laughing emoji lang ang kanilang sagot.
Si Duterte ang nagsimula ng war on drugs kung saan 7,000 katao umano ang napatay sa police operations subalit kung isasama ang mga napatay ng mga riding in tandem ay aabot ito ng 30,000 sa loob ng anim na taon o mula 2016 hanggang 2022. (JESSE KABEL RUIZ/BERNARD TAGUINOD)
