IDIRETSO SA MAGSASAKA

DPA Bernard Taguinod

KUNG talagang nais ng gobyerno na matulungan ang mga magsasaka lalo na ‘yung maliliit at nakikisaka lang ay idiretso sa kanila ang tulong at huwag nang idaan sa local executives.

Tulad na lamang nitong 20,000 bags ng abono na inilimos, este donasyon daw ng China sa Pilipinas, dapat itong ideretso sa mga magsasaka at ‘yung maliliit ang bigyan at hindi ‘yung may malalawak na taniman.

Open secret na sa ibaba na kapag may grasya sa mga magsasaka mula sa national government, ay idinadaan sa local executives dahil alam daw nila kung sinong mga magsasaka ang dapat bigyan.

Ang problema, ginagamit ni Mayor ang ganitong uri ng tulong sa mga magsasaka para magkautang na loob ang mga tao sa kanya dahil hindi nila sasabihin na galing sa national government ang tulong na ‘yun.

Ang masaklap na katotohanan pa, hati-hatiin ni Mayor sa kanyang mga konsehal ang ayuda dahil sila raw ang talagang nakakaalam kung sino sa mga constituent nila ang mga higit na nangangailangan.

Pero ang nangyayari, inuuna ng mga konsehal ang kanilang mga kaanak na may malalawak na taniman at kapag kakampi pa si Kapitan, lahat ng mga anak ni Kapitan ang bibigyan.

Kung baga, inuuna nila ang kanilang sarili at tira-tira na lang sa mga tao kaya malimit na nangyayari, hindi nakakukuha ng libreng abono at seeds ang maliliit na magsasaka at nakikisaka lang.

Matagal na itong gawain ng local executives pero hindi lang nararamdaman dahil walang nagbabantay sa kanila sa baba kaya ang akala ng mga nasa itaas, nabigyan ang mga dapat bigyan.

Speaking of 20,000 bags ng abono na idinonate daw ng China sa Pinas, bibigyan daw ng tig-isang bag ang bawat magsasaka kaya ang matutulungan daw ay 20,000 magsasaka na katumbas ng 20,000 ektarya.

Alam niyo ba na ang puhunan sa bawat ektarya ay P30,000 hanggang P40,000? Ang halaga ng abonong ibibigay ay P2,000 lang so barya lang ang natipid ng magsasaka kung talagang makararating sa kanila ang abonong ito.

Mas malaki ang nagagastos ng mga magsasaka na gumagamit ng deep well para hindi mawalan ng tubig ang kanilang palayan lalo na’t mahal ngayon ang diesel na ginagamit nila sa pagpapatubig.

Ang hinihingi ng mga magsasaka ay P15,000 na ayuda para mabawasan kahit kalahati ang kanilang gastos sa pagsasaka pero walang plano ang gobyerno na ibigay ang halagang ito.

Kaya ang takbuhan ng mga magsasaka ay mga middleman sa kondisyon na ang kanilang ani ay ibebenta sa kanila sa presyong dikta ng mga negosyante at otomatikong aalisin ang tubo.

Nababaon muna sa utang ang mga magsasaka bago mag-ani at kapag minalas pa at tinamaan ng bagyo ang kanilang pananim ay lalo silang hindi makababangon kaya ‘wag na kayong magtaka na 30% ang poverty incidence sa sektor ng pagsasaka.

157

Related posts

Leave a Comment