3 PROFESSOR PATAY SA ARARO NG JEEP

QUEZON – Tatlong college professor ang nasawi matapos masagasaan ng isang pampasaherong jeep sa Maharlika Highway, Brgy. Lagalag, sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang mga biktimang sina Salvo Ocampo Salvacion, 30, ng Tiaong, Quezon; Rosie Campus Dulay, ng Sampaloc, Quezon; at Sheryl Bundalian, 28, pawang professor sa Southern Luzon State University (SLSU) -Tiaong Campus.

Ayon sa report ng Tiaong Police, dakong alas-7:30 ng gabi nang masagasaan ang tatlong biktima ng jeep na minamaneho ni Zaldy Mosquera, 63, ng San Pablo City, habang tumatawid sa highway sa tapat na eskwelahan.

Isinugod ang tatlo sa mga ospital sa Candelaria, Quezon subalit pawang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Nasa kustodiya naman ng Tiaong Police ang driver ng jeep na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.

Ayon sa pamunuan ng SLSU, galing ang tatlo sa pagpupulong sa eskwelahan para sa gaganaping graduation ng mga estudyante.

Lumabas sa imbestigasyon na umuulan sa lugar at may kadiliman ang bahagi ng kalsada nang mangyari ang insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

215

Related posts

Leave a Comment