SUPER TYPHOON EGAY NAG-IWAN NG 6 PATAY

NAKAPAGTALA ng anim na nasawi at dalawang sugatan ang pananalasa ng Super Bagyong Egay.

Subalit sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon ay lima pa lamang ang kumpirmado, apat sa mga ito ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) habang ang isa ay mula sa CALABARZON.

Mayroon ding naitalang dalawang sugatan na patuloy pang bineberipika ng NDRRMC.

Dahil sa patuloy na mga pag-ulan ay lumobo na ang bilang ng mga apektadong indibidwal. Sa kasalukuyan ay nasa 89,639 pamilya o katumbas ng 328,356 na katao ang apektado ng bagyo at southwest monsoon o Habagat mula sa 836 na barangay sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 10, 12, CALABARZON, MIMAROPA, BARMM at CAR.

Sa nasabing bilang, halos 20,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 306 evacuation centers.

Batay sa ulat ng NDRRMC kahapon, may 70 lugar ang nakaranas ng pagbaha dahil sa mga pag-ulan na dala ng Bagyong Egay, nanguna ang MIMAROPA sa may pinakamaraming lugar na binaha na umabot sa 23.

Sinundan ito ng Central Luzon, na umabot sa 21 lugar, at Bangsamoro Autonomous Region sa 10 lugar. Nakapagtala naman ng limang landslide sa Western Visayas.

Habang 107 road sections at 19 tulay ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang rehiyon. May 109 lugar naman ang nakaranas ng power interruption dahil sa natumbang mga poste ng kuryente.

(JESSE KABEL RUIZ)

280

Related posts

Leave a Comment