(BERNARD TAGUINOD)
ISINIWALAT ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na mula sa buffer stock ng National Food Authority (NFA) ang bigas na ibinebenta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga Kadiwa center sa halagang P25 kada kilo.
Sa kanyang contra-SONA o State of the Nation Address, sinabi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na paglabag ito sa batas dahil ang buffer stock ng NFA ay dapat gamitin sa panahon ng kalamidad upang may makain ang mga apektadong tao.
“Ang bigas na binebenta ng 25 pesos per kilo sa Kadiwa stores ay mula sa mga buffer stock ng National Food Authority, na ayon sa umiiral na mga batas ay dapat gamitin para sa disaster relief operations. Imbes na itabi ang supply para ipamigay nang libre sa panahon ng sakuna, ginagamit ito ng Marcos Jr. admin para ibenta sa mamamayan.
Ginagawa umano ito ni Marcos upang makalikha ng ilusyon na bumababa na ang presyo ng mga batayang bilihin subalit naisasakripisyo aniya ang mga biktima ng kalamidad na posibleng walang maibigay sa kanila kapag tinamaan sila ng bagyo at lindol.
Iginiit naman ng Bantay Bigas na hindi ang mga Kadiwa center ang dapat palakasin ni Marcos kundi ang NFA kung nais nitong makabili ng mas murang bigas ang mamamayan dahil mula nang ipatupad ang Rice Liberalization Law, binawalan na ang nasabing ahensya na magbenta ng murang bigas.
“Dapat palakasin ang National Food Authority at ibalik ang mandato nito na magbenta ng NFA rice sa mga palengke hindi buffer stocking lang,” ani Cathy Estavillo, Secretary-General ng AMIHAN at spokesperson ng Bantay Bigas.
Itinuturing naman ni ACT party-list Rep. France Castro na band-aid solution ang Kadiwa centers dahil ayon mismo kay Marcos, 1.8 milyong pamilya na ang nakinabang dito samantalang sa survey aniya ng Social Weather Station (SWS) ay 21.6 milyon pamilya ang naghihirap sa pagkain.
“Pinagmamalaki ni Pangulong Marcos Jr. ang ‘di umano mahigit 7,000 Kadiwa stores kung saan may naabot na 1.8 milyong mga pamilyang Pilipino. Maliit lang din ang naaabot nito,” ani Castro.
144