WALONG opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Bohol ang sinibak makaraang madiskubreng nag-iinuman sa loob ng kanilang opisina.
Nakarating kay PPA General Manager Jay Santiago na ang umano’y mga opisyal na nakatalaga sa Port Management Office (PMO) Bohol ay nahuli sa CCTV na nag-iinuman sa loob mismo ng multipurpose hall ng opisina ng pantalan noong Agosto 16.
Ayon sa ulat, ang kasiyahan ay bunsod ng pagdiriwang ng kaarawan ng Acting Port Manager ng Bohol na kinilalang si Lord Tyrone Agaton.
Base sa imbestigasyon ng PPA, nakita sa surveillance video na nagpa-party ang mga empleyado at mga opisyal ng PMO Bohol noong Miyerkoles ng gabi na pinangunahan pa mismo ng acting port manager, mga miyembro ng port police, kasama ang mga bisitang banda habang nag-iinuman sa loob ng opisina.
Kabilang sa mga nasibak ay si Acting Port Manager (APM) Lord Tyrone Agaton na dating principal engineer ng PMO Western Leyte/Biliran bago maging Acting Port Manager ng Bohol noong Hunyo a-uno ngayong taon, kasama sina PMO Bohol Port Services Division Manager Julius Jumangit, Atty. Sherlito Columnas Jr. ng legal department, Safety Officer Atty. Romeo Cabading II, at limang port police officers na pinangalanang sina Edcel E. Epan, Victor B. Cagulada, Mary Maricka R. Aguirre, Meljann B. Oronan, at Emily Ross C. Tubio.
Binigyan diin ni Santiago na ang tiwali at abusadong mga opisyal na hindi marunong rumespeto sa pasilidad ay hindi karapat-dapat sa serbisyo ng gobyerno na ginawa para sa taumbayan.
Agad namang humingi ng paumanhin ang Acting Port Manager ng Bohol, depensa nito, bunsod lamang ng kalasingan sa alak kaya’t nakuha nilang magsayawan at magkantahan sa loob mismo ng opisina sa pantalan.
Ani Santiago, hindi nagsisinungaling ang CCTV at isang malaking pagkakamali na gawin ang inuman sa loob ng opisina kasama ang mga matataas na kawani ng pantalan sa Bohol.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ginamit pa sa pag-iinuman at pagpa-party ang mga lamesa at upuan ng opisina ng PMO Bohol na ginagamit sa mga pagpupulong at mga opisyal na transaksyon ng gobyerno.
Kasunod ng insidenteng ito, agad na naglabas si Santiago ng memorandum na nagtatalaga ng bagong papalit na port manager sa Bohol.
(RENE CRISOSTOMO)
122