‘Abandonment of Duty’ MGA OPISYAL NA NAG-ABROAD HABANG MAY BAGYO KAKASUHAN NA

KAKASUHAN na ang mga lokal na opisyal na bumiyahe sa abroad kahit may umiiral na travel ban bago tumama ang bagyong Tino at Uwan, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.

Ayon sa kalihim, halos tapos na ang imbestigasyon sa 24 LGU officials at nakahanda nang isampa ang mga kaso sa Office of the Ombudsman. Posibleng masampahan ang mga ito ng gross negligence, gross insubordination at abandonment of duty dahil sa pagliban sa tungkulin sa gitna ng kalamidad.

Sinabi ni Remulla na kinokolekta na nila ang return flights at iba pang detalye para kompletuhin ang kaso. Nauna nang naglabas ang DILG ng Memorandum Circular 2025-10 na nagsususpinde sa lahat ng “official and unofficial foreign travel” ng mga inihalal at appointed local officials mula Nobyembre 9 hanggang 15.

Tiniyak ni Remulla na walang sisinuhin sa imbestigasyon at papatawan ng kaparusahan ang sinomang mapatutunayang lumabag sa kautusan. Paalala pa ng DILG, obligasyon ng mga gobernador, alkalde, kapitan ng barangay at iba pang opisyal na manatili sa kanilang nasasakupan upang pangunahan ang paghahanda at pagtugon sa super typhoon Uwan.

Giit ng ahensya, malinaw sa Local Government Code of 1991 at Republic Act No. 10121 na ang lokal na opisyal ang chairperson ng kani-kanilang LDRRMC at nararapat lamang na sila ang pisikal na nangunguna kapag may kalamidad.

Kamakailan ay nag-viral ang ilang alkalde sa Cebu matapos kumalat sa social media ang kanilang travel authorities na nagpapakitang nakaalis umano sila ng bansa bago pa man tumama ang bagyong Tino.

(TOTO NABAJA)

133

Related posts

Leave a Comment