NANEYUTRALISA ng mga tauhan ng Philippine Navy ang isa sa mga most wanted personality sa lalawigan ng Sulu at sinasabing financier ng teroristang Abu Sayyaf Group, nang makasagupa ang mga elemento ng 4th Marine Brigade sa bayan ng Luuk sa nabanggit na lalawigan.
Kinilala ni Maj. Emery Torre, Public Affairs Officer ng Philippine Marine Corps, ang napatay na si Aldasir Makumbong, alyas “Alsimar Mangumah”.
Ayon kay Torre, target ng kanilang isinagawang law enforcement operation si Makumbong dahil sa pagpatay sa isang negosyante sa Zamboanga City, at iba pang krimen kabilang ang robbery at ilegal na droga.
Base sa hawak na intelligence report ng military, sinasabing financier din ng Abu Sayyaf group at kilalang nagbibigay ng suporta kay Abu Sayyaf Commander Addal ang napaslang.
Nagawa pang madala sa Luuk District Hospital ang suspek matapos ang palitan ng putok ngunit idineklarang dead on arrival.
Narekober ng mga tropa sa pinangyarihan ng insidente ang isang M14 rifle kasama ang magazine, tatlong basyo ng bala, at isang kahon ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng P30,000. (JESSE KABEL)
164 