NAKAPAGTALA ng 11 bagong namatay sa COVID-19 sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area habang umakyat naman sa 2,597 ang active cases.
Napag-alaman, lima ang namatay sa Caloocan City dahil sa COVID-19 noong Marso 15, habang lumobo sa 693 ang active cases sa lungsod.
Sumampa naman sa 15,545 ang total confirmed COVID-19 cases sa siyudad, kung saan 14,349 na ang gumaling at 503 ang namatay.
Samantala sa nasabi ring petsa, dalawa ang patay sa Barangay Niugan, Malabon City, 50 ang nadagdag na confirmed cases, at sa kabuuan ay nasa 7,789 ang positive cases sa lungsod, 651 dito ang active cases.
Sa kabuuan ay 6,859 na ang recovered patients sa siyudad at 279 ang pandemic fatalities.
Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Baritan dahil may muling nagpositibo sa swab test ng mga ito. Mula 285 ay magiging 283 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Baritan.
Sa lungsod naman ng Navotas ay isang COVID-19 patient ang namatay habang sumirit sa 747 ang active cases matapos na 78 ang magpositibo sa swab test at 49 lamang ang naitalang gumaling.
Pumanhik na sa 6,853 ang tinamaan ng virus sa lungsod kung saan 5,899 na ang nakarekober at 207 ang namatay.
Tatlo naman ang naitalang namatay dahil sa nasabing sakit sa Valenzuela City noong Marso 15, habang naging 506 ang active cases nang gumaling ang 133, at 83 ang nagpositibo sa swab test.
Umabot na 10,932 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, kung saan ay 10,135 na ang gumaling at 291 ang namatay. (ALAIN AJERO)
110 