ACUTE GASTROENTERITIS: NAKAMAMATAY

Acute Gastroenteritis

Base sa pinakahuling balita, sumampa na sa 4,773 o tumaas sa 75 porsyento ang naitatalang kaso ng acute gastroenteritis sa lalawigan ng Pangasinan.

Ang masakit dito ay umabot na sa 26 pasyente ang nabawian ng buhay dahil sa nasabing sakit.

Tumaas ang bilang ng mga pasyente nito kumpara sa naitalang kaso noong parehong mga buwan noong nakaraang taon.

Sa pahayag ng Pangasinan Provincial Office, isa sa mga posibleng dahilan ng lumalalang kaso ng acute gastroenteritis ay dahil sa pabagu-bagong lagay ng panahon dahilan para agad na masira o mapanis ang mga pagkain – sa bahay lalo na sa mga nabibili sa labas.

Itinuturo ring dahilan ay ang mga samu’t saring inuming mabibibili sa labas.

Ang nakakaalarmang katotohanan pa rito ay karamihan sa mga nagiging pasyente ng acute gastroenteritis ay ang mga batang may edad siyam na taong gulang pababa. Sila ngayon ang mga nagdurusa sa diarrhea at pagsusuka kaya naman grabeng dehydration ang nangyayari sa kanila.

Patuloy ang ahensya ng lokal na pamahalaan sa pagmomonitor sa mga bayan ng Ba­yambang, Calasiao, Dagupan, San Carlos, at Mangaldan.

ANO ANG SAKIT NA ITO?

Kapag sinabing “acute” ito ay tumutukoy sa pagkagrabe ng uri ng sakit. Ibig sabihin ito ay ang pagiging kritikal o teribleng kaso ng sakit na kung hindi maaagapan o malulunasan ay maaaring makapinsala pa nang husto sa katawan o kalusugan o sa mas nakakatakot na katotohanan ay maaari itong ikamatay ng pasyente.

Ang gastroenteritis ay ang pamamaga ng tiyan at mga bituka. Ang gastroenteritis ay tumutukoy din sa stomach flu. Kapag nakakaranas ka ng diarrhea o pagtatae at ikaw ay nasusuka ito ay pwedeng masabing ikaw ay may stomach flu. Ang mga sintomas na ito ay kadalasang nasa kondisyong gastroenteritis.

Kahit sino at kahit saang panig pa ng mundo ay pwedeng tamaan ng sakit na ito. Maaaring gumaling sa sakit na ito nang walang anumang komplikasyon, maliban na lamang kung ang pasyente ay dehydrated na.

Sa gastroenteritis, ang diarrhea ay sadyang matubig at naroon talaga ang pagduduwal. Posible ka ring makaranas ng pananakit o pamimilipit ng tiyan, lagnat, pagsusuka, pananakit ng kalamnan at pananakit ng ulo.

Kapag nakaranas na ng mga sintomas na nabanggit ay kailangang maging maingat na huwag matuyuan ang katawan o makaranas ng tinatawag na dehydration.

Malalaman na dehydrated na ang pasyente kung tuyot ang balat at mga labi, nahihilo, at pakiramdam na uhaw o uhaw na uhaw. Kapag ganito na ang pakiramdam ay huwag nang mag-atubiling pumunta sa doktor lalo na kung ang mga sintomas na ito ay nakikita sa mga bata.

 GASTROENTERITIS SA MGA BATA

Iwasang madapuan ng sakit na ito ang mga bata at kung madapuan ay iwasang lumala pa ang kanilang mga kondisyon.

Sa mga sanggol, maging alerto kung sila ay may diarrhea at kapag ang diaper nito ay hindi pangkaraniwan ang pagkakatuyo o kaunti lamang ang ihi ay agad nang humingi ng tulong sa doktor.

Kapag ang inyong mga anak ay tinamaan ng sakit na ito ay iiwas muna silang pumasok sa kanilang mga paaralan hanggang hindi sila gumagaling. May mga pagkain at inuming hindi pa nila dapat kainin hangga’t hindi maging normal ang kanilang kalagayan.

Iwasan din ang mag-self medicate o magdesisyon nang basta sa paiinuming gamot para sa kanilang sakit. Ikonsulta ito sa tamang doktor.

ROTAVIRUS, NOROVIRUS AT GASTROENTERITIS

Ang pinakasanhi ng pagkakaroon ng gastroenteritis ay dahil sa isang virus. Ang gastroenteritis flu ay maaaring maging sanhi ng iba’t ibang viruses. Ang pinakapangunahing virus dito ay ang rotavirus at novovirus.

Ang rotavirus ay pinakanakakahawang virus na nagiging sanhi ng pagtatae. Pangkaraniwan ito sa mga sanggol at mga bata.

Ito ay delikado dahil nagdudulot din ito ng diarrhea, pagsusuka at pagkatuyo o pagkaubos ng fluid sa katawan o ang pagkaranas ng dehydration.

Ang ibang mga batang mayroon nito ay kinakailangan ng IV o Intravenous therapy (ang karayom ay nasa kanilang mga ugat).

Ang rotavirus ay delikado dahil nagiging sanhi ito ng gastroenteritis (pamamaga ng tiyan at bituka).

Upang maiwasan ang rotavirus na pinakapangkaraniwang sanhi ng stomach flu para sa mga bata ay ang pagkakaroon ng bakuna sa mga sanggol. Maaaring makipag-ugnayan sa inyong mga doktor para rito.

Ang norovirus ay delikado rin at maaaring makuha sa mga barko, silid-aralan, at iba pang mataong lugar na nag-iiwan ng pagsusuka, pagtatae, at mga sakit sa tiyan.

Food-borne disease rin ito na ang ibig sabihin ay nakukuha rin ang sakit sa mga pagkain at inumin.

BAKUNA KONTRA VIRUS

Ang bakuna ay hindi lamang sa mga sanggol at mga bata. Kahit pa matanda na ay maaari pa ring magpabakuna sa payo ng doktor. May mga bakuna kasi na ang bisa nito ay lipas na o wala na.

Kung ikaw ay madalas na bumiyahe, nagtatrabaho sa klinika o ospital o may kaso ng sakit ay kinakailangan ng bakuna para malayo sa iba’t ibang sakit. Kailangang ang bakuna ay up-to-date. Tandaan lamang na dapat ito ay may payo o rekomendado ng doktor.

MGA SANHI NG GASTROENTERITIS

– Kontaminadong tubig at pagkain.

– Mga hindi nalilinisang mga kamay matapos gumamit ng palikuran o matapos na magpalit ng diaper.

– Mga hindi malilinis sa katawan na naghahanda ng mga pagkain at inumin partikular sa mga turo-turo.

– May contact sa tao na may virus.

SINTOMAS NG GASTROENTERITIS

– pagtatae

– pagsusuka

– pagkahilo

– dehydration

– pananakit ng ulo

– pananakit ng kalamnan

– pananakit ng tiyan

– sobrang pagkauhaw

– hindi madalas na pag-ihi

– matingkad na kulay ng ihi

– pagkatuyo ng balat

– pagkatuyo ng mga labi

– pagkahimatay

– mataas na lagnat

– pangangalo-mata

– kabilang dito na kapag dehydrated ang pasyente at pinisil ang balat nito, ang balat ay hindi kaagad nabalik sa normal na itsura

897

Related posts

Leave a Comment