IPINAGKATIWALA ng Malakanyang sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mahigpit na koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa ulat na posibleng may pondo mula sa ibang bansa ang ilang kamakailang protesta laban sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kung mapatunayan na may foreign funding ang mga rally, itinuturing itong “pagtataksil sa bayan.” Binigyang-diin niya na hindi nararapat na pinanghihimasukan ang lokal na pulitika ng Pilipinas ng dayuhan.
Nilinaw naman ng AFP, sa pahayag ni acting AFP Spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, na tinitingnan nila ang lahat ng posibleng lead tungkol sa pagpopondo ng mga protesta upang matiyak na mananatiling domestic ang usaping pambansa. Kasabay nito, tiniyak ng AFP na hindi sila makikialam sa anumang labag sa konstitusyon.
Ang posibleng foreign-funded na protesta ay isinagawa sa People Power Monument sa Quezon City ng United People’s Initiative, pinangunahan ni retired Philippine Air Force Major General Romeo Poquiz. Kabilang sa mga dumalo ang ilang retiradong heneral na malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang nanawagan ang mga aktibista ng pagbibitaw kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at paghihikayat sa AFP na tanggalin ang suporta sa Punong Ehekutibo.
(CHRISTIAN DALE)
76
