INIHAYAG ni Senador Win Gatchalian na pitong senador ang lumagda sa isang resolusyon na nanawagan para sa agarang pagsisimula ng pilot test ng localized at limitadong face-to-face classes sa low risk areas upang mapigilan ang pinsalang sanhi ng pagsasara ng paaralan sa kalusugan, pagkatuto at kapakanan ng mag-aaral.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na nakatakda sa Senate Resolution No. 668, inirerekomenda na dapat simulan ang pilot testing sa 1,065 na pampublikong paaralan na mapipili ng Department of Education (DepEd) sa risk assessment nito.
Ayon din sa naturang resolusyon, ang mga isasagawang pilot test ay dapat maging mahigpit sa pagpapatupad ng health protocols at iba pang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Iginiit pa sa resolusyon, ang mga pilot test ay makakalikom ng mga ebidensya at karanasan upang magabayan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.
Kasama sa mga may akda ng resolusyon sina Senador Maria Lourdes “Nancy” Binay, Francis “Kiko” Pangilinan, Grace Poe, Pia Cayetano, Joel Villanueva, at Sonny Angara.
Kasunod ng mga pag-aaral sa ibang bansang ipinapakitang hindi nagmumula sa paaralan ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng paglikom ng karanasan sa mga bansang ito upang matugunan ang pangamba ng mga mag-aaral, mga magulang, at ng buong sektor ng edukasyon.
Sa isang pag-aaral ng halos 191 bansa, walang kaugnayang nakita sa pagitan ng kalagayan ng mga paaralan at bilang ng kaso sa komunidad.
Dati nang sinabi ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos na maaari nang magbukas ang mga paaralan para sa face-to-face classes.
Ngunit kinakailangan ng istriktong pagpapatupad ng mga hakbang tulad ng pagsusuot ng face masks, physical distancing, at pagkakaroon ng mga silid-aralang may maayos na bentilasyon.
Sa kabila ng pagpapatupad ng distance learning habang hindi pa pinapayagan ang pagkakaroon ng face-to-face classes, marami pa ring mga hamong kinakaharap ang kalidad ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Kabilang sa mga hamong ito ang kakulangan sa kahandaan ng mga guro, mag-aaral, at mga magulang.
Naging hamon din ang kakulangan ng gadgets at internet connection para sa mga nangangailangang mag-aaral.
Patuloy ring isinulong ng mga senador ang pagbibigay prayoridad sa mga guro sa pagpapatupad ng COVID-19 vaccination roll-out.
Pilipinas na lamang ang nag-iisang bansa sa rehiyong East Asia at Pacific na hindi nagbubukas ng mga paaralan simula noong ipatupad ang lockdown noong Marso 2020, ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF). (ESTONG REYES)
