Agawan sa Speakership nina Cayetano at Velasco dahil lang sa birthday 2021 BUDGET HOSTAGE SA KAMARA

KAPWA nais nina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na magdiwang ng kanilang kaarawan bilang Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Lumutang ito sa gitna ng deliberasyon sa 2021 budget na mistulang hostage na ngayon ng Kamara.

Sa kanyang privilege speech, bukod sa pambansang pondo na posibleng madiskaril kapag nagkaroon ng palitan ng liderato ng Kamara, ay nakiusap umano si Cayetano na tapusin ang kanyang kaarawan sa Oktubre 28 bago bumaba dahil Nobyembre naman aniya matatapos ang kanyang 15 buwan bilang Speaker.

“Sabi niya [Velasco] birthday ko rin eh. Sabi ko 50th Birthday ko. Sentimental ako,” ani Cayetano

“Sabi niya, ang babaw mo naman. [Sabi ko] ang babaw ko talaga!,” dagdag pa ni Cayetano dahil nakaimportante aniya sa isang tao na umabot ng ika-50 kaarawan.

Si Cayetano ay magseselebra ng kanyang ika-50 kaarawan sa Oktubre 28 habang sa Velasco ay magdiriwang naman ng kanyang ika-43 taong kapanganakan sa Nobyembre 9.

Gayunpaman, hindi pa rin umano pumayag si Velasco sa pakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa Disyembre na lamang magpalitan para maipasa naman ang P4.506 trillion 2021 national budget.

Nangangamba si Cayetano na maaapektuhan ang pagpapatibay sa pambansang pondo dahil nais umano ni Velasco na palitan ang chairman ng House appropriation committee sa gitna ng deliberasyon ng pambansang pondo.

Bukod dito, posibleng magkaroon umano ng malaking epekto sa pambansang pondo ang nais ni Velasco na aprubahan ang national budget na nakasaad sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM).

Bago matapos ang kanyang talumpati, nag-offer si Cayetano na mag-resign bilang Speaker subalit agad kinontra ito ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor dahil nasa gitna umano ng bagyo ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Dahil dito, nagpatawag na nominal voting si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kung saan 184 ang nagbasura sa resignation ni Cayetano habang isa sa katauhan ni Buhay party-list Rep.

Lito Atienza na bumoto na pabor sa pagbibitiw at 9 ang nag-abstain.

Mistulang agad naapektuhan ang pambansang pondo matapos ipasuspinde ni Defensor ang deliberasyon hanggang sa Biyernes o bukas kaya dalawang araw itong made-delay.

(No comment)

Samantala, tumanggi ang Malakanyang na kumpirmahin ang nangyari sa pulong sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at mga mambabatas ukol sa agawan ng trono sa Kamara.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na “awkward” na sa kanila manggaling ang anunsyo.

Ang mga kaalyado naman nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay may kanya-kanyang pahayag hinggil sa term sharing.

Inulit ni Sec. Roque ang sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang kilalanin ng 2 partido ang nasabing kasunduan at wala itong magagawa kung hindi makakuha ng sapat na suporta si Velasco mula sa mga miyembro ng Kongreso.

“I know that the President values palabra de honor and that’s a phrase that I have heard from his own mouth,” ayon kay Sec. Roque.

“But I know that the President is also a seasoned politician. He knows that he can only endorse someone to a certain extent, but if there really is a choice amongst them he cannot do anything about it,” dagdag na pahayag nito.

Bago ito, nagbabala si Buhay party-list Rep. Lito Atienza na madadamay ang kredibilidad ni Pangulong Duterte sakaling mabali ang term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco.

Ayon naman kay PDP-Laban Executive Director Ron Munsayac, si Velasco ay sasamahan ng mga party leader at coalition allies mula sa House.

Umaasa naman si Munsayac na tatalima si Speaker Cayetano sa naturang kasunduan, bilang mahalaga ang pagtupad sa ‘word of honor’ at tiwala sa mga lider, lalo na sa mga politiko. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

130

Related posts

Leave a Comment