PATUNG-patong na kasong criminal ang inihain ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) laban sa ilang agricultural traders kaugnay ng iligal na pag-angkat ng P22.68 milyong halaga ng mga sibuyas at bawang mula sa bansang Tsina.
Unang sinampahan ng asunto ang Flevo Trading na umano’y nagtangkang lansihin ang kawanihan sa timbang na idineklara nito sa kanilang mga isinumiteng dokumento. Ayon pa sa inihaing kaso, lagpas na pinahihintulutan ng pamahalaan ang tinangka nitong ipasok sa bansa nito lamang nakaraang Hulyo sa Manila International Container Port (MICP).
Sinampahan din ng kaso ang GBJ Consumer Good Trading na umano’y sadyang nagpuslit ng mga sibuyas na ikinubli bilang rekado sa paggawa ng pastry products sa Port of Davao noon ding buwan ng Hulyo.
Sumunod namang kinasuhan ang JDFallar Consumer Goods Trading na sibuyas din ang tinangkang ipasok sa Port of Cagayan de Oro nito lamang nakaraang Agosto. Taliwas naman ito sa kanilang idineklarang “cream cheese.”
Sibuyas din ang ikinasakdal ng PDCC Consumer Goods Trading na nagtangka namang magpuslit ng kanilang mga kalakal na ikinubli bilang “frozen puffs” sa Port of Cagayan de Oro pa rin, buwan ng Agosto.
Bukod sa mga nasabing mga agri traders, kabilang din sa mga inihabla sa Professional Regulation Commission (PRC) ng kawanihan ang mga custom brokers na siyang nangasiwa sa proseso at mga dokumentong isinumite sa BOC.
Kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 ang inihain sa Department of Justice (DOJ).
