ITINANGGI ng mga militanteng mambabatas na may kinalaman o sangkot ang mga ito sa Communist Party of the Philippines (CPP) tulad ng akusasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasabay nito, hinamon nila ang militar na magsampa ng kaso kung may sapat na ebidensya sa kanilang akusasyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, nanindigan ang mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara na nagkakamali ang militar sa red-tagging sa mga ito.
“Tahasan kong sinasabi sa komiteng ito Mr. Chair na hindi ako miyembro ng Communist Party of the Philippines o CPP. Hindi ako rebelde at hindi ako miyembro ng National Democratic Front of the Philippines,” sabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate.
“Tahasan ko ring pinasisinungalingan na ang aking partido, ang Bayan Muna, ay creation at kontorolado ng Communist party of the Philippines,” dagdag pa nito.
Paliwanag ng kongresista, ang Bayan Muna at ang Makabayan bloc sa Kamara ay pawang mga lehitimong grupo na naniniwala sa parliamentary struggle para maisulong ang social reforms.
Giit pa ni Zarate, ang alegasyon laban sa Makabayan bloc ay matagal nang usapin at nasagot na ito noong 2019 midterm polls.
“Dalhin ninyo sa proper venue where we can confront your witnesses and cross examine them under oath, hindi ‘yung sa social media. The courts are bound by strict rules of evidence,” sabi pa nito.
Kasama rin humarap sa pagdinig ng Senado si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na nagsabing walang sapat na ebidensya ang nag-aakusa sa mga ito na miyembro ang Malabayan bloc ng CPP-NPA.
“Personal knowledge ang hinahanap diyan sa ebidensya kasi madali lang naman sabihin na ”yan, ‘yan siya (NPA).’ Paano mo nalaman? Nag-meeting ba kayo? Saan? Kailan?” tanong pa ni Colmenares.
Nag-face-off sa Senado ang mga miyembro ng militar at ang Makabayan bloc pati na ang ilang grupong inaakusahan sa pagiging konektado sa CPP-NPA. (NOEL ABUEL)
215 