NAKINABANG umano nang husto si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa kanyang pagiging chairman ng House committee on appropriations kaya hindi aniya pwedeng magpanggap na biktima sa kasalukuyang flood control corruption scandal. Ito ang pahayag ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, na iginiit na simula nang pamunuan ni Co ang komite ay lumobo ang mga kontratang napunta sa itinatag niyang construction firm na Sunwest.
“He is not the victim. He was Chair of the Committee on Appropriations and the fact is his companies cornered the largest amount in the flood control projects,” ani Tinio. Ginawa niya ang pahayag matapos sabihin ni Co sa isang video na ginagamit umano sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez para gawing scapegoat at isisi sa kanya ang katiwalian sa flood control projects.
Ayon kay Tinio, maaaring nararamdaman ni Co ang pressure mula sa Pangulo bunsod ng malakas na panawagan ng publiko na panagutin ang mga sangkot. Pero hindi raw dapat paniwalaan na biktima ito, lalo’t maraming testimonya ang nag-uugnay sa kaniya at maraming kontrata ang nakuha ng kanyang kumpanya habang siya ang hepe ng appropriations panel.
Gayunman, iginiit ng mambabatas na hindi dapat basta ibasura ang mga alegasyon ni Co laban kina Marcos at Romualdez ukol sa umano’y P100-billion insertion sa 2025 national budget. Sa kanilang inisyal na pagbusisi sa listahan ng proyekto na inilabas ni Co, anim umano rito ang ipinasok sa Bicameral Conference Committee.
Binigyang-diin pa nito na mas lalakas ang kaso kung uuwi si Co upang personal na tumestigo.
Hindi Credible
Samantala, pinawalang-bisa naman ni National Unity Party (NUP) chairman at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno ang mga akusasyon ni Co laban kina Marcos at Romualdez, at tinawag itong “hindi kapani-paniwala, period.”
Sa press conference ng mga lider ng iba’t ibang partido sa Kamara, sinabi ni Puno na presumptuous ang alegasyon ni Co, lalo na’t ito raw mismo ang pangunahing “guilty,” nagtatago at umiiwas sa imbestigasyon. Ipinunto rin niya na ayaw sumailalim ni Co sa mga pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at iba pang investigating bodies, at sa halip ay idinaan lamang sa video ang mga akusasyon upang umano’y iligtas ang sarili. Mas lalo raw hindi kapani-paniwala ang pahayag ni Co na “wala siyang kinita,” dahil bigla umanong dumami ang kanyang air assets, mga helicopter, at mga ari-arian sa iba’t ibang bansa. “Saan nanggaling lahat ‘yon? Kahit malalaking kumpanya sa Makati hindi kayang bumili ng ganyang air assets,” ani Puno, na nagsabing halatang “nagpapanic” na si Co kaya nandadamay ng iba.
(BERNARD TAGUINOD)
105
