IMINUNGKAHI ng pamunuan ng simbahan ng Itim na Nazareno, ang planong alternatibo upang bagama’t kanselado ang traslacion ay patuloy pa ring maramdaman ng mga deboto ang kapistahan sa Enero 9, 2021.
Imbes na magpatupad ng traslacion, sinabi ng pamunuan ng simbahan na magsasagawa na lang ng ‘pagdungaw’ ng imahe ng Itim na Nazareno sa balkonahe ng simbahan sa loob ng isang buwan para makita ng mga namamanata, na magsisimula sa Disyembre.
“Ang pinaka-imahen ay ilalabas namin para makita po ito ng mga tao, ‘di lang nila mahahawakan, pero at least makikita po nila,”ayon sa pahayag ng simbahan.
Nabatid na para sa mga deboto na hindi makapupunta sa simbahan ng Quiapo, planong iikot ang imahe ng Itim na Nazareno sa mga simbahan sa North at South ng Manila.
“From Batangas pabalik ng Quiapo, from Pangasinan pabalik ng Quiapo. May tatlong imahen po ang iikot sa iba’t ibang lugar para maranasan man lang nila kahit isang araw ang novena dito sa Quiapo,” dugtong pa ng pamunuan ng Quiapo Church.
Ayon naman kay Monsignor Hernando Coronel, magkakaroon ng adjustment sa schedule ng misa at pagbabasbas sa mga replica ng Itim na Nazareno, na gagawin nang mas maaga.
“Nagpapasalamat kami sa pagkakataon na narinig ang aming presentasyon para sa Traslacion 2021, at ang mangyayari, napagkasunduan ay hindi matutuloy ‘yung Luneta to Quiapo na may andas na prusisyon. Hindi po matutuloy iyon,” pahayag pa ng Monsignor.
Sinabi pa nito, ang mangyayari sa Enero 9 ay patuloy na mga misa, at ang mga bikaryo ay ilalagay sa canopy sa labas ng simbahan.
Una nang umapela si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga deboto na iwasan muna ang traslacion at mass gathering dahil patuloy pa rin ang banta ng COVID-19.
“There are things that we cannot control pero pwede maiwasan. Kung libo-libo ang pupunta sa prusisyon, isa lang sa kanila ang maimpeksyon, tapos magkakadikit-dikit pa sila, pinagpapawisan, nagkakalat na droplets ng laway, delikado po iyan,” dagdag pa ng alkalde. (RENE CRISOSTOMO)
243 