Tahasang kinondena ng pinakamalaking alyansa ng mga unyon at samahan ng mga manggagawa sa bansa ang pagpaslang sa isang coordinator ng party-list ng mga pangkaraniwang tao.
Ang pagpatay kay Linus Cubol, coordinator Anakpawis party-list group sa Agusan, ay “hindi dapat nangyayari sa sibilisadong lipunan,” tugon ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Nagkaisa labor coalition.
Ang Nagkaisa ay binubuo ng mahigit 40 unyon at pederasyon ng mga manggagawa sa bansa.
Nanawagin ang Nagkaisa sa pulisya na magsagawa ng “walang kinikilingang” imbestigasyon upang matukoy ang utak sa nasabing krimen, banggit ni Matula na isa ring pangulo ng Federation of Free Workers (FFW).
Si Cubol ay inutas ng dalawang lalaki sa loob ng pagawaan ng furniture sa Santiago, Agusan del Norte ilang ataw na ang nakalilipas.
Si Cubol ay dating opisyal ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na pinaniniwalaang may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) yulad ng Anakpawis party-list group.
Batay sa talaan ng mga human rights group tulad ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), wala pang nahuhuli at napaparusahan sa mga taong pumatay sa mga lider ng kaliwang organisasyon ng mga manggagawa at dahop-palad.
177