APRUBADO na ng Food and Drug Administration (FDA) ang application for amendment sa Emergency Use Authority o EUA ng moderna vaccines para maiturok na rin sa mga kabataan o edad labing dalawa hanggang labing pitong taong gulang.
Ito ang inanunsyo mismo ni FDA Director General Undersecretary Eric Domingo.
Ayon kay Domingo, 2 linggo na ang nakalilipas nang mag-apply ng pag-amyenda sa kanilang EUA ang moderna at matapos ang masusing evaluation ng vaccine expert panel at regulatory experts, ay inaprubahan na ito.
Pero giit ni Domingo, kailangan lang masusing bantayan ang madalang na kaso ng “myocarditis” sa mga kabataan.
Samantala, kaugnay naman ng tatlong batches ng moderna vaccines na iniimbestigahan sa Japan dahil sa umano’y nahalong steel component nito, sinabi ni Domingo na hindi naman ito nasali sa mga na-deliver sa bansa.
Ayon pa kay Domingo, base sa kanilang imbestigasyon, walang findings na nagpapakitang may epekto sa kaligtasan at bisa ang mga moderna vaccine batches na nakuha ng Pilipinas.
Gayunman, pinapayuhan ni Domingo ang mga vaccinator na suriin munang mabuti ang vials ng bakuna bago ito iturok sa publiko. (JG TUMBADO)
217 