AMOY PULITIKA NA SA BAYAN NI JUAN

BAGAMA’T pitong buwan pa bago pa sumapit ang May 9, 2022 presidential election ay mainit na ang usapin ng pulitika sa ­bayan ni Juan dela Cruz.

Kanya-kanya nang hanap ang mga presidentiable ng kani-kanilang makaka-tandem na vice president.

Una nang nagdeklara ang tandem nina Senador Panfilo Lacson ng Partido para sa Demokratikong Reporma at Senate President Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition (NPC).

Sinundan ng Alfonso Cusi faction PDP-Laban na ang kanilang piniling official candidate ay si Sen. Lawrence Bong Go, bilang president at si Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ka-tandem sa pagka-pangalawang pangulo.

Idineklara namang kanilang official candidate sa pagka-Pangulo si Manny Pacquiao sa Pimentel faction ng PDP-Laban.

Bagama’t si Pacquiao ang kanilang piniling official candidate sa 2022 presidential election ay wala naman silang ginawang ka-tandem nito sa pangalawang ­pangulo.

Ibig sabihin bukas sila kung sino ang gustong ­maging vice president ni Manny Pacquiao mula sa ibang grupo.

Nakatanggap naman ng impormasyon ang PUNA na posibleng mag-tandem sina Vice President Leni Robredo, sa pagka-Pangulo at Manila Mayor Isko Moreno, bilang pangalawang pangulo para sa grupo ng oposisyon na Liberal Party (LP) o mas kilala bilang “Dilawan group”.

Nariyan din si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio ng Hugpong ng Pagbabago na bagama’t hindi pa opisyal na nagsa­sabi na tatakbo siya sa national position ay pilit siyang kinukumbinsi ng kanyang mga supporter.

Sa katunayan bumuo pa ng grupong Inday Sara Duterte Ako (ISDA) ang mga gustong patakbuhing presidente sa 2022 election ang “only daughter” ni Pangulong Digong.

Matatandaan na maraming beses nang sinabi ni Pangulong Duterte na ayaw niyang patakbuhin ang kanyang anak (Inday) sa pagka-Pangulo dahil hindi raw pambabae ang pagkapangulo ng Pilipinas.

Isa rin sa matunog na tatakbong Pangulo ay si ­dating Senador Bongbong Marcos (BBM) kahit wala pang opisyal na announcement mula sa nag-iisang anak na lalaki nina dating Pangulong Ferdinand Marcos ng Ilocos Norte at dating Unang Ginang Imelda Marcos ng Tacloban City, Leyte.

Wala pang umuugong na magiging katandem sa pagka-pangalawang pangulo si BBM na inaasahan marami pa ang posibleng magbago hanggang sa Filing of Candidacy sa darating na Oktubre 1 hanggang 8, 2021.

Sa pagtatanong ng PUNA sa mamamayan, kasama sa kanilang mga sinasabing malakas na tandem sa 2022 presidential election ay BBM-Inday Sara, kundi man ay BBM-Digong.

May mga nagsasabi rin na malakas ang tandem BBM-Pacquiao.

Sa usapang social media, kahit pa sino sa mga nabanggit na mga pangalan ng PUNA, na maging ka-tandem ni BBM ay ­nangingibaw pa rin na malakas siya sa lahat ng mga kandidato.

Malaking bagay ang permanenteng supporters nila na hindi bumitiw sa kanila, ang Marcos loyalist.

Kamakailan nagpayahag ang mga Ilokanong “Solid North”, Waray at Solid South sa Mindanao ng kanilang suporta kay BBM.

Maging si Nur Misuari. chairman/founder ng Moro National Liberation Front (MNLF) ay isa sa kilalang suporter ni BBM.

Nagpahayag na rin ng suporta kamakailan ang ilang kilalang politiko mula sa Quezon City kay BBM sa pangunguna nina Rep. Mike Defensor, ng AnaKalusagan Party-list; QC District 3 Cong. Allan Reyes; mag-asawang QC 2nd District Councilor Winnie Castelo at Rep. Precious Hipolito Castelo at iba pang political leaders ng nasabing Lungsod.

Magiging pabor din kay BBM kung marami silang maglaban-laban sa pampanguluhan sa May 9, 2022 elections.

Abangan natin ang susunod na kabanata.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

158

Related posts

Leave a Comment