BISTADOR Ni RUDY SIM
HINDI pa man kumpletong nakapagtatalaga ang Malacañang ng deputy commissioner sa Bureau of Immigration ay muling nalagay sa kontrobersya ng katiwalian ang ahensya matapos masangkot ang tatlong kawani nito sa human trafficking.
Sa mga ganitong sitwasyon ay hindi na bago sa atin ang praise release ng BI upang maghugas-kamay sa isyu ang mga opisyales na kanila umanong paiimbestigahan kuno kung sino pa ang mga kasangkot sa matagal nang maruming kalakaran sa airport sa pagpapalusot ng mga pasahero kapalit ang malaking halaga.
Nauna nang pinasabog ni Senator Risa Hontiveros sa kanyang expose’ ang isyu ng umano’y pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling mga tauhan ng BI na nakikipagkuntsaba sa Chinese mafia na illegal recruiter ng mga kababayan nating isasalang sa operasyon ng sindikato ng cryptocurrency scam kung saan ay maraming tao sa buong mundo ang nagiging biktima ng pekeng investment na nagsimula pa noong taong 2000 na nakilala sa tawag na Bitcoin.
Detalyadong isiniwalat ng isang whistleblower kung paano isinasagawa ng sindikato ang escort service sa NAIA, Clark at Zamboanga International Airport kung saan ay bago umano ang araw ng flight ay organisadong sinasanay ang mga pasahero sa bahay umano ng kasabwat na Immigration officer kung ano ang dapat gawin ng mga ito bago sila lumipad patungong Cambodia.
Pahayag ni Hontiveros, nagbabayad umano ang mga recruiter ng 75K hanggang 100K sa tiwaling mga opisyales ng ahensya partikular sa tauhan ng BI sa Clark Airport upang payagang makaalis sa bansa nang walang kahirap-hirap ang mga kababayan nating hindi alam ang naghihintay na panganib sa kanila sa ibang bansa.
Noong nakaraang linggo lamang ay agad na ipinatawag sa Senado ang mga opisyal at tauhan ng Clark Airport at aasahang magkakaroon na naman ng imbestigasyon na malamang ay sasamantalahing muli ng mga politiko na sumawsaw sa isyu na siyang dahilan kung bakit patuloy na nalulubog ang ahensya matapos ang Pastillas scheme.
Nagbanta ang BI na magkakaroon ng re-shuffle sa lahat ng mga paliparan sa bansa at ilalagay sa floating status ang mga nasangkot… Teka, bakit ang mga tauhan lamang hindi ba’t kailangan ding palitan ang hepe ng Clark Airport na anak ni Lito Lapid na si Maan Krista Lapid dahil sa command responsibility?
Hindi pa man pumutok ang isyung ito ay nauna na nating ibinisto ang umano’y katiwalian sa Clark Airport nina alias “Notary public” at alias “Laki Mata” na may hawak ng arrival at departure operations na mga umano’y “Bagman” at ibinibigay ang “Tara” sa isang alias “JR” .
Dapat ding isailalim ng Senado sa lifestyle check itong mga opisyales ng Clark maging itong kamukha ni Bentong na si alias “Notary Public” na lantaran umanong ipinagyayabang ang kanyang mansion sa Laguna, at luxury cars.
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
1325