(NELSON S. BADILLA)
IBINUNYAG ni dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. ang ‘espesyal’ umanong relasyon ni Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo kay dating Quezon City Rep. Jorge “Bolet” Banal.
Sa kanyang panayam sa DZRH sa Bicol, inilahad ni Andaya na “ipinagtitimpla niya (Banal) ng kape si Leni, e di naman siya waiter”.
Tinumbok ni Andaya na kapag pumupunta raw siya sa opisina ni Robredo sa Maynila ay naroon si Banal na nagtitimpla umano ng kape para sa pangalawang pangulo ng bansa.
Ipinunto ni Andaya na ang dapat na pinagtitimplahan ni Banal ng kape ay ang kanyang asawa at hindi ibang babae.
Aniya, nagseselos daw ang mga Bicolano kapag ang asawa nila ay pinagtitimplahan ng kape na may kasamang lambing ng ibang tao.
Hindi diniretso ni Andaya kung ang pagtitimpla ng kape ni Banal kay Robredo ay nangangahulugang magkasintahan ang dalawa.
Dati nang naging “hot topic” sa media ang relasyon umano nina Robredo at Banal, ngunit tahasang itinanggi ito ng pangalawang pangulo.
Sabi ni Robredo noon, pawang paninira lamang ang akusasyon sa kanya.
Si Robredo ay byuda ng pumanaw na si Interior Secretary Jessie Robredo.
Si Banal na siyam na taong naging kinatawan ng ikatlong distrito ng Kamara de Representantes ay mayroong legal na asawa.
Sina Robredo at Banal ay parehong kasapi ng Liberal Party (LP).
Tagapangulo ng LP si Robredo simula nang maging bise presidente ng bansa.
Nabalita sa media na pinag-aaralan ng kampo ni Robredo ang posibilidad na sampahan ng kaukulang kaso si Andaya.
Nabatid na nabanas si Andaya sa balitang “naghahandang” tumakbo sa pagiging gobernador ng Camarines Sur si Robredo sa eleksyong 2022.
Minsang sinabi ni Robredo sa media na posibleng tumakbo siya sa lokal bilang kongresista, o gobernador dahil “kapos ang pondo” niya para sa pagkapangulo.
Tumibay ang paniniwalang tatakbong gobernador si Robredo sa Camarines Sur makaraang magparehistro siya sa Philippine National Identification System (PhilSys) bilang residente ng bayan ng Magarao, sa halip na Naga City kung saan siya “registered voter”.
Bilang resdente ng Magarao, legal na makatatakbo bilang gobernador si Robredo sa eleksyon.
Kung Naga City ang gamit niyang address ay hindi puwedeng tumakbong gobernador si Robredo dahil isang “independent component city” ang lungsod, alinsunod sa batas.
Ito ang pinaniniwalaang dahilan kaya umusok ang bumbunan ni Andaya at binuhay ang malaon nang isyung ibinabato kina Robredo at Banal.
Sa kanyang regular na programa sa radyo na isinasahimpapawid tuwing Linggo, inamin ni Robredo na gusto niyang tumakbong gobernador ng Camarines Sur.
Ngunit, hindi pa ito pinal dahil bukas pa rin siyang sumali sa eleksyon sa pagkapangulo.
Si Robredo ay isa sa mga kandidatong pagpipilian ng 1Sambayanan, ang nabuong alyansa ng mga grupong oposisyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
