NAG-UUMAPAW ang kasiyahan ngayon ng mga Mexicano matapos tawagin ang pangalan ng kanilang pambato na si Andrea Meza na sumungkit ng korona sa katatapos na prestigious Miss Universe pageant.
Si Andrea ng Mexico ang kinoronahang Miss Universe 2020.
Ang nagpasa ng korona ay si Miss Universe 2019 Zozibini Tunzi ng South Africa na itinuturing na longest reigning Miss Universe dahil naudlot ang paligsahan noong isang taon kaugnay ng pagputok ng COVID-19 sa buong mundo.
Si Andrea ang ikatlong Mexican na nanalong Miss Universe, pagkatapos nina Lupita Jones noong 1991 at Ximena Navarrete noong 2010.
Hinirang naman bilang first runner-up si Julia Gama ng Brazil; second runner-up si Janick del Castillo ng Peru; third runner-up si Adline Castelino ng India; at fourth runner-up si Kimberly Jimenez ng Dominican Republic.
Sa Top 5, nagtagisan ang limang kandidata sa question-and-answer portion at final statement.
Sila ay hinugot mula sa Top 10 finalists, kung saan kasama sina Jamaica, Australia, Puerto Rico, Thailand at Costa Rica.
Laglag sa top 10 ang manok ng Pilipinas na si Rabiya Mateo ngunit nanatiling proud ang mga Pinoy sa kanyang pakikipagtunggali.
Sa kabila ng kabiguan, bumuhos naman ang pagbati ng netizens sa matagumpay na pakikipagtagisan ng kagandahan ni Rabiya. Maging ang mga kaibigan, tagahanga, tagasuporta at pamilya ni Rabiya ay humanga sa kanya.
Nakaabot sa Top 21 si Rabiya pero bigo itong makarating sa final 10.
Sa unang round, ang mga pumasok sa Top 21 ay sina Colombia (Laura Victoria Olascuaga), Peru (Janick del Castillo), Australia (Maria Thattil), France (Amandine Petit), Myanmar (Thuzar Lwin), Jamaica (Miqueal-Symone Williams), Mexico (Andrea Meza), Dominican Republic (Kimberly Jimenez), USA (Asya Branch), Indonesia (Ayu Maulida Putri), Argentina (Alina Akselrad), India (Adline Castelino), Curacao (Chantal Wiertz), Puerto Rico (Estefania Torres), Philippines (Rabiya Mateo), Brazil (Julia Gama), Great Britain (Jeanette Akua), Nicaragua (Ana Marcelo), Thailand (Amanda Abdom), Costa Rica (Ivonne Cerdas), at Vietnam (Nguyen, Tran Khanh Van).
Nagtagisan sa pagrampa ang 21 kandidata sa swimsuit competition.
Sa kabila ng pandemya, lumahok pa rin sa 69th Miss Universe edition ang 74 na kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ginanap ang prestigious international pageant sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino in Hollywood, Florida, USA, Lunes ng umaga sa Pilipinas (March 16 sa U.S.).
Parangal kay Rabiya
Samantala, kahit hanggang top-21 lang ang inabot sa 69th Miss Universe ni Mateo, pararangalan pa rin siya ng kanyang mga kababayan sa Iloilo.
Ito ang tiniyak ni Iloilo Rep. Raul “Boboy” Tupas na nagsabing ipinagmamalaki pa rin ng mga Ilonggo si Mateo dahil sa kanyang performance sa naturang pageant.
“We, Ilonggos, congratulate our very own Miss Philippines Rabiya Mateo for her splendid performance on the world stage making it as finalist to the top 21 of the Miss Universe. We have always believed in her!,” ani Tupas.
Hindi na umano matatawaran ang inabot na ito ni Mateo sa nasabing pagent na sinalihan ng 74 kandidata mula sa 74 bansa sa mundo.
Si Rabiya ay isang licensed physical therapist at nagtapos bilang cum laude sa Iloilo Doctor’s College.
“Rabiya is correct to quote that “education is a great social equalizer.” Education, indeed, opens path to better employment, earnings, and life conditions,” ayon pa sa mambabatas.
“Thank you Rabiya for being an exemplar of the total beauty and substance of the Filipino people,” dagdag pa ng mambabatas. (JULIET PACOT/BERNARD TAGUINOD)
212 