ANG MASALIMUOT NA USAPIN SA BIGAS

Psychtalk

(ikaapat na bahagi)

Para sa mga Juan at Juana na nasa laylayan ng lipunan, mahalaga ang bigas. Ang pagkakaroon nito o kawalan nito ang sukatan nang nakakaagapay pa sa kahirapan o ang ganap na karukhaan.

Kasi nga naman, kung may naisasaing ka pa, may maihahain pa sa hapag kahit isang bandehadong kanin, may pagsasaluhan pa ang mag-anak na kapos. Madali na lang gawan ng paraan ang ipapares dito: asin, toyo, mantika, o sitsirya–mairaraos ang isang kainan. Pihado nang may pantawid-gutom, at magkakaroon ng patuloy na lakas ang katawan kahit paano para kumahig ulit. Malay mo sa susunod na pagkahig, may masarap-sarap na sardinas, o tuyo o bagoong na isasabay.

Kung sadyang gustong magtipid sa bigas, pwede itong ilugaw. Mas kakaunting butil pero mapapadami ito. Kahit papaano, may pagsasaluhan, pamatid ng kalam ng sikmura. Kaya iyan ng mapamaraan at sanay sa pagtitiis na Pinoy.

Sa mga walang gaanong pambili, pasalamat na kung makakayang makabili ng NFA na bigas, pinakamura at pinakamababa ang kalidad. Pero sadyang walang karapatang pumili ang mga nasa laylayan.

Kung sa mga medyo nakaluluwag sa buhay na mas kayang makapili kung anu-ano ang ilalaman sa hapag, ang bigas ay isang opsyon lamang. Pwedeng iluto bilang kanin kung hindi naman kailangang mag-diet, o kaya isa ito sa mga isasakripisyo at babawasin sa mga ihahain kasi kalabisan na ito sa mga sobra na ang timbang.

Sa mga may pera, ang bigas ay isa ring kontrobersiya at masalimuot din. Nariyang sinisisi ito sa bilang nagpapalala sa ilang mga karamdaman o health condition, kaya’t ‘di importante ito. Kung kokunsumo man sila ng bigas ay yaong mga pang-high end na itinuturing na mas masustansiya—brown rice, organic rice, upland rice–iba-ibang variety ng mga nasa fad na komersiyalisado ng bigas.

Sa mga ‘di naman kailangang maging ingat sa kalusugan o diet at may perang gugugulin, ang bigas ay isang masarap na luxury. Napakinam kumain kung ang bigas mo ay ‘yong mabango, malambot, magandang uri—imported o local man. Kayamanan na ito para sa mga nasa ibaba.

Kung tutuusin, dalawang mundo ang makikita sa usapin ng bigas. Ang mundo ng mga nasa laylayan kung saan kritikal na parte ng buhay ang puting butil na ito. Ngunit para sa mga nasa tuktok, ‘di gaanong isyu ito dahil hindi dito nag-uumpisa at natatapos ang kahulugan ng pang-araw-araw nilang buhay. (PSYCHTALK / Dr. Ruga)

320

Related posts

Leave a Comment