NASAAN kaya ang ‘di umano’y maraming kaibigan at kaalyado ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa panahon ng sila’y kailangan ng dating pangulo?
Kung totoong mahal nila at nagmamalasakit sila sa sinasabi nilang kaibigan na si PNoy, bakit namatay ang dating pangulo na wala man lang medical expert, o healthcare professional, na nangalaga rito?
Kung yaman lang naman ang pag-uusapan, kaya ng mga kaibigan, kaalyado at pamilya ng dating pangulo na magbayad ng kahit ilang nurse, o healthcare professional, para mag-alaga, o magbantay sa dating pangulo, para lamang matiyak na nalalapatan ito ng tamang gamot at tamang atensyon dahil sa malubhang karamdaman nito.
Kasi po kung ating pagbabatayan ang panayam ng media sa driver ni PNoy ay sinabi nito na dalawang beses umanong hindi nakapagpa-dialysis ang dating pangulo na kung mayroon sanang isang healthcare professional na nag-alaga rito ay hindi ‘yon mangyayari, ‘di ba?
Sinabi pa ng driver na noong araw na pumanaw ang dating pangulo ay siya, mga kasambahay at ilang security personnel ang nagbabantay sa una.
O, sige huwag na ang mga kaibigan at kaalyado ng dating pangulo, eh nasaan ang pamilya?
Hindi ba nila nalaman na ganoon kasidhi ang karamdaman ni PNoy at kahit isa man lang sa kanila’y walang nagmalasakit upang magpadala ng healthcare professional upang matiyak na ito’y nalalapatan ng tamang medisina at atensyon?
Hindi ba parang hindi katanggap-tanggap na ang dating pangulo ay pumanaw dahil sa kakulangan ng tamang pag-aruga sa tinataglay nitong karamdaman?
Kung mayroon man lang sanang isa sa sinasabing kaibigan, o kaalyado, ng dating pangulo na nagmalasakit at inalam ang tunay na kondisyon nito, disin sana’y buhay pa siya ngayon.
Biro n’yo, dalawang beses na hindi naisagawa ang dialysis sa dating pangulo?
‘Yon ngang pangkaraniwang indibiduwal ay nagkukumahog ang pamilya upang makarating sa itinakdang petsa para lamang ma-dialysis ang kanilang kaanak, eh bakit ang dating pangulo napabayaan na hindi na-dialysis at hindi lamang isang beses, kundi dalawang beses pa? Bakit?
Kung titingnan po at kakayanan lamang ang pag-uusapan upang maalagaan ng isang healthcare professional ang dating pangulo ay masasabi nating wala sa kalingkingan ng yaman ng mga Aquino ang gagastusin upang maalagaan ng mga healthcare professional si PNoy, ‘di ba?
Pero, ang masaklap na katotohanan ay ‘yung malaman ng bayan mula sa mga nag-aalagang kasambahay, driver at security personnel ng dating pangulo na wala kahit isang nurse na nagbantay kay PNoy, gayung maselan ang kalagayan nito.
Kung pagbabatayan po natin ang sitwasyon ni PNoy noong panahong bago siya pumanaw, parang daig, o talo, pa ito ng mga pangkaraniwang negosyante na nagbabayad ng healthcare professional upang alagaan lamang ang kanilang may sakit na kaanak.
At ang malaki pong katanungan ay kung bakit naman ipinasunog ng kanyang pamilya ang bangkay ng dating pangulo, gayung ang mga magulang nitong sina Ninoy at Cory ay hindi naman ipinasunog ang mga bangkay, ‘di ba mas mainam naman marahil ay natunghayan din ng kanyang mga tagasuporta ang labi ng dating pangulo sa huling mga sandali, ‘di po ba?
Bakit? Bakit? At Bakit?
Mayroon bang hindi sinasabi ang pamilya sa tunay na dahilan ng pagpanaw ni Pangulong Noy?
Kayo na po ang humusga ka-SAKSI dahil ang masasabi ko sa dating pangulo ay: “Rest in Peace Mr. President”.
171
