(NI GINA BORLONGAN)
NILINAW ni National Power Corporation (Napocor) Principal Engineer ng Dams Management Operation Wilfredo Senadrin na hindi dapat matakot ang mga Bulakenyo sakaling magkaroon ng dam break dahil idinisenyo ang katatapos lamang na proyektong Angat Dam and Dykes Strengthening upang kayanin ang 7.2 magnitude na lindol.
Idiniin ni Senadrin sa harap ng mga mamamahayag sa press conference sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City, na walang dahilan upang mangamba dahil kumpleto na ang rehabilitasyon at pagpapatibay ng Angat Dam.
“Ang tendency po ng dam break sa ngayon ay medyo minimal na. Ang strengthening po ng Angat Dam is based po doon sa 7.2 magnitude na lindol so kapag 7.2 lang po ang lindol asahan n’yo po na wala tayong dapat ikabahala sa dam break ng Angat pero kung mas mataas sa 7.2, hindi naman siya masisira nang tuluyan; magkakaroon lang ng deformation ang dam,” diin ni Senadrin.
Gayundin, nilinaw niya na isang palagay lamang ang pagkakaroon ng bitak sa Angat Dam at hindi ito kinumpirma kahit pa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) .
