(NI BETH JULIAN)
ASAHAN na ang posibilidad na maungkat at matalakay sa ASEAN Defense Ministry sa Bangkok, Thailand ang insidente ng Recto Bank collision.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na dadalo siya sa forum ng ASEAN summit sa Hunyo 22-23 at babanggitin niya ito sa kanyang mga counterpart sa mga bansa sa West Philippine Sea (WPS) partikular ang Vietnam
Matatandaan na isang Vietnamese boat ang sumaklolo sa mga mangingisdang Filipinong inabandona sa laot matapos mabangga ng Chinese vessel ang kanilang bangkang pangisda.
Samantala, idinepensa naman ni Lorenzana si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa mga puna na malabnaw ang pahayag nito kaugnay sa pagbangga ng Chinese vessel sa pangisdang bangka ng mga Pinoy.
Pagdidiin ni Lorenzana, ang Pangulo ay pro-Pinoy kaya hindi dapat na pagdudahan.
Ayon kay Lorenzana, napansin ng publiko ang naramdamang galit ng Pangulo sa isyu ng basura ng Canada gayung malambot ang reaksyon nito sa isyu ng Recto Bank collision.
Dito ipinaliwanag ni Lorenzana na magkaiba ang sitwasyon ng usapin ng basura mula Canada sa insidente ng banggaan sa Recto Bank.
Depensa ni Lorenzana, hindi patas na pagdudahang pinapanigan ng Pangulo ang China dahil kumikilos naman ito para alamin ang katotohanan sa pangyayari bago ito umaksyon.
