(BERNARD TAGUINOD)
IIMBESTIGAHAN sa Kongreso ang sinasabing anomalya sa Duty Free Philippines Corp. na kinasasangkutan umano ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica.
Inihayag ito ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap kasabay ng pagbatikos sa aniya’y witch hunting na ginawa ni Belgica sa halip na mag-imbestiga.
Ani Yap, sa kanilang ipatatawag na imbestigasyon hinggil sa anomalya sa DFPC ay kanilang tuturuan si Belgica kung paano mag-imbestiga.
Reaksyon ito ni Yap matapos magsumite si Belgica ng pangalan ng mga mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte na walang sapat na ebidensya na sangkot ang mga ito sa katiwalian sa DPWH.
Inihalimbawa ng mambabatas ang pagdadawit sa kanya sa bidding sa mga proyekto ng DPWH sa Benguet gayung natapos na aniya ang bidding nang italaga siya bilang caretaker ng lalawigan.
Inamin din ni Yap na tumawag ito kay Belgica para alamin kung may kinakaharap na kaso ang isang Lorna Ricardo na gustong maging district engineering chief sa Benguet at nang malamang meron ay ibinasura na rin ang aplikasyon nito.
Gayunpaman, dismayado si Yap dahil inakusahan siya ni Belgica na nagpapadrino kay Ricardo kaya duda ang mambabatas na nag-witch hunt at hindi nag-imbestiga ang kontrobersyal na commissioner.
“Bilang PACC yould should be responsible. Alam nyo sir, yung ganyan kasi na pangalanan mo lang, eh para sa akin hindi investigation yan. Ang ginagawa nyo lang po nagwi-witch hunt po kayo,” ani Yap.
“Gusto ko rin sana kayong turuan kung papaano mag-imbestiga. Trabaho po namin sa Kongreso na mag-imbestiga. Hindi naman pupuwede na one side lang ang kukunin mo at ilalabas mo sa public,” ani Yap.
