KHO NAGHAIN NG ADMIN COMPLAINT LABAN SA RTC JUDGE

NAGHAIN si Rosales, Pangasinan Vice Mayor John Isaac Kho ng administrative complaint sa Judicial Integrity Office ng Korte Suprema laban kay Presiding Judge Roselyn Andrada-Borja ng Regional Trial Court Branch 53, sa nasabi ring bayan, kaugnay ng patuloy na alitan sa halalan para sa pagka-bise alkalde noong Mayo 2025.

Kasabay nito, naglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng preliminary injunction noong Pebrero 18, 2026 na nagpapanatili ng status quo habang patuloy na dinidinig at sinusuri ang mga isyu sa kaso.

Ang reklamo ay kasunod ng desisyon ng korte na binaligtad ang naunang pagkapanalo ni Kho matapos ang manual recount, sa kabila ng orihinal na deklarasyon ng Automated Counting Machine (ACM) na nanalo siya sa lamang na 1,208 boto laban kay Susan Casareno.

Ayon sa korte, may ilang boto umanong hindi tumpak na nabasa at nabilang ng mga makina, at may mga reklamong hindi tugma ang Voter-Verified Paper Audit Trail (VVPAT) o printed voter’s receipt sa aktwal na ibinotong kandidato.

Sa kanyang reklamo, inakusahan ni Kho si Judge Andrada-Borja ng gross ignorance of the law and procedure, manifest bias, at paglabag sa New Code of Judicial Conduct para sa Hudikatura ng Pilipinas. Binanggit din sa reklamo ang A.M. No. 01-8-10-SC (Rule 140) at A.M. No. 23-12-05-SC, na nagtatakda ng mga serious charges kabilang ang partisan political activities at seryosong paglabag sa proseso bilang mga maaaring maging batayan ng administrative sanctions.

Si Judge Andrada-Borja ay kabilang din umano sa mga aplikante para sa posisyon ng mahistrado sa Sandiganbayan o sa Court of Tax Appeals.

Ayon sa kampo ni Kho, “Hindi ito personal. Tungkol ito sa pananagutan, pagsunod sa batas, at pagpapanatili ng integridad ng proseso ng hudikatura.”

Pinananatili ng Comelec injunction ang kasalukuyang kalagayan at pansamantalang pinipigilan ang pagpapatupad ng naunang desisyon ng korte habang nakabinbin pa ang kaso.

Susuriin ng Judicial Integrity Office ang reklamo at maaaring magrekomenda ng kaukulang hakbang sa Korte Suprema.

Ang paghahain ng administrative complaint ay hindi nangangahulugang may pananagutan na ang inirereklamo, sapagkat dadaan pa ito sa masusing proseso ng pagsusuri.

(TINA MENDOZA)

1

Related posts

Leave a Comment