APOR HINDI KAILANGAN NG TRAVEL PASS – ELEAZAR

NILINAW kahapon ng Joint Task Force COVID Shield na hindi na kailangan kumuha ng travel pass para makasakay sa Metro Manila bound passenger buses ang mga medical frontliner at kawani ng mga industriyang pinapayagang magbukas sa panahon ng community quarantine na naninirahan sa lalawigan.

Ayon kay Police Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield, ginawa niya ang paglilinaw sa gitna ng kalituhan kaugnay sa ulat na lahat ng pasahero na sasakay ng bus papuntang Maynila ay kailangang magpakita ng Travel Authority bago sila payagang makapasok sa bus terminals sa mga probinsiya.

Kailangan lang aniyang magpakita ng kanilang ID at certificate of employment bilang dokumento ang mga manggagawa.

“This is designed for workers of permitted industries operating in Metro Manila who are residing, itong mga commuters na ito, sa labas ng Metro Manila.

Hindi na nila kailangan ang travel authority, ipakita lang nila ang ID at certificate of employment at sila po ay papayagan na,” dagdag ng opisyal.

Simula nitong Miyerkoles ay ibinalik ang ilang biyahe ng provincial buses patungong Metro Manila.

Sa paliwanag ni PLt. Gen. Eleazar, ang National Task Force on COVID-19 na pinamumunuan ni Secretary of National Defense Delfin Lorenzana ang nagsasabing bahagyang niluluwagan ang travel protocols sa mga medical frontliner at workers ng mga kumpanya at industriya para magtuloy-tuloy ang takbo ng ekonomiya ng bansa sa gitna ng kahirapang dulot ng coronavirus pandemic.

“They are considered as the backbone of our economy and our response against the spread of the corona virus disease in these trying times.

As per Secretary of the Interior and Local Government Eduardo Año, their travel must be less restricted since they play a key role in the effective response of the government on COVID-19,” dagdag pa ni Eleazar.

Kakailanganin lang aniya ang travel authority kung ang biyahe ay hindi naman konektado sa trabaho.

Pero ang trip ticket ay dapat din nai-book in advance dahil hindi papayagan ang mga walk-in na pasahero tulad ng dati.

“‘Di pwedeng on the day o walk-in kailangang nai-book mo na 2 days prior to that.

Cashless na, kagaya ng gagawin dito sa mga buses sa Metro Manila na dumadaan sa EDSA effective tomorrow,” aniya pa.

“It so happens sa monitoring sa first day, una, ang Araneta Bus Center sarado pa rin po, so hindi pa tuloy yung galing dito sa Pampanga at yung mangagaling sa Batangas, Laguna and Cavite open naman ang ating PITX pero bihira ang nagbibiyahe kasi nga pre booked dapat ito at kailangang meron ka nang naka-secure na trip tickets mo,” pahayag pa ni Eleazar. (JESSE KABEL)

142

Related posts

Leave a Comment