MATAPOS ang isang taon, nagbalik ang pinananabikang kakaibang Kapaskuhan sa isa sa mga pinakatampok na pasyalan sa lungsod ng Maynila – ang Ocean Park sa baybaying bahagi ng Manila Bay.
Sa temang Aqua Santa in Water Wonderland, muling bibida si Santa Claus na simbolo ng kapaskuhan sa mata ng mga bata, subalit hindi sa anyong nakagawian kundi bilang isang Scuba Santa Claus sa natatanging ocean park sa pusod ng lungsod.
Pagtitiyak ng pamunuan ng Manila Ocean Park, kalakip ng pagbabalik ni Scuba Santa Claus ay ang isang ligtas na pasilidad bunsod ng mga sistemang pinatutupad sa loob ng nasabing pasyalang nagsisilbing santuario ng mga iba’t ibang uri ng mga buhay na yamang dagat tulad ng mga makukulay na isda, hanggang sa mga naglalakihang lumba-lumba (dolphin).
Kasabay ng muling pagsisimula ng Aqua Santa in Water Wonderland, hinikayat ng pamunuan ang mga pamilyang Pilipino na dalhin ang kanilang mga anak para sa isang makabuluhang pagbisita sa Manila Ocean Park kung saan pwedeng makita ng personal ang hindi bababa sa 18,000 “marine creatures,” 277 “species” ng isda at iba pang organismong tanging sa ilalim lamang ng karagatan matatagpuan.
Para sa nalalapit na kapaskuhan, kabilang naman sa target na bigyang saya ng Manila Ocean Park ang mga kabataan sa ilalim ng pangangalaga ng Down Syndrome Association of the Philippines na kumakalinga sa mga natatanging mga bata.
“At the Manila Ocean Park, we love to be part of the family’s traditions during the holiday season, this year especially. We want families to come here to create memories,” ani Marie Joyce Arias – Tarroza na tumatayong Vice President for Sales and Marketing ng Manila Ocean Park.
Bukas ang Manila Ocean Park mula Martes hanggang Linggo alas 10:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi. Matutunghayan naman si Aqua Santa mula alas 11:00 umaga hanggang alas 4:00 ng hapon, sa mga petsang Disyembre 18, 19, 25 at 26. (RENE CRISOSTOMO)
381
