ARAYKUPO! SANGKOT NGA BA ITONG SI GOBERNADOR?

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

May nabasa akong ulat sa SAKSI NGAYON tungkol sa umano’y illegal na pasugalan sa Oriental Mindoro. Ito daw ay kinasasangkutan ng Global Mobile Online Corp. na nagpapatakbo ng tinatawag na ‘Peryahan ng Bayan’ o PNB.

***

Naks naman. Sa kanilang acronym, parang bangko ang dating. Kaso ang pagkakaiba ay hindi ito maaaring magdeposito at mag-impok. Kinalaunan ay lalago ang iyong pera at maski papaano ay magkakaroon ng interest ito sa bangko. Sa PNB ng Globaltech Mobile Online Corp., kukuha sila ng pera sa mga lalaro sa kanilang pasugalan at iilan lamang ang mananalo at karamihan ay talo. Subalit ang nagpapalakad ng PNB ay puros kabig at walang itulak. O di ba?!

***

Kaya naman sabi nga sa ulat ng peryodikong ito, taliwas ito sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy na pamamayagpag ng iligal na pasugalan na ‘Peryahan ng Bayan’ o PNB sa lalawigan ng Oriental Mindoro. Lumalabas pala na laganap na ang operasyon nito sa 15 lokalidad ng naturang lalawigan. Ang masakit pa dito ay may umano’y pamumwersa ng isang mataas na opisyal na nanggigipit sa mga alkalde para bigyan ng pahintulot ang operasyon ng iligal na palaro na ito. Susmaryosep!

***

Ang masakit dito ay mula 2019 hindi nakapagremit ang nasabing kompanya ng karampatang bahagi ng kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na naging dahilan sa direktiba ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para ipatigil ang malawakang operasyon ng Peryahan ng Bayan noong Enero 2020. Eh bakit tuloy pa rin ang kanilang operasyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.?

***

Hmmmm. Teka, teka. Parang hinahamon yata ng mga tauhan ng Global Mobile Online Corp. sampu ng kanyang mga kasangkot na mga lokal na opisyal ang administrasyon na ito ha? Ano kaya ang masasabi ni kasalukuyang DILG Sec. Benhur Abalos dito? Naku. Ang alam ko, ibang klase itong si Abalos magalit kung masita itong mga ganitong klaseng kalokohan.

***

Pagpapatunay na seryoso ang administrasyon ni PBBM na ihinto itong PNB na ito, ang bagong talagang PCSO general manager na si Mel Robles ay nagpadala ng liham kay PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na nanawagan na makipagtulungan upang masugpo ang operasyon ng PNB at arestuhin kahit na sino na masangkot sa ganitong klaseng ilegal na aktibidad.

***

Idiniin ng Robles na patuloy na operasyon ng mga larong Peryahan ng Bayan ay hindi pinahihintulutan ng PCSO bilang isang iligal na laro at ito ay tahasang paglabag sa ating mga batas penal laban sa mga aktibidad ng iligal na sugal. Sinabi ng PCSO na nalinlang ng Globaltech ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagpapaalam sa kanila ng pagpapatuloy ng mga laro ng peryahan ng bayan batay sa dapat na pagpapatupad ng status quo ante order.

***

Isang source na tumangging kilalanin ang nagsabing may ilang tiwaling indibidwal ang nag-ooperate ng peryahan ng bayan sa Calapan City, Mindoro na kahit na may malinaw na utos mula sa PCSO na hindi na ito pinapayagang i-refer sa lokal na pulisya. Naku, mukhang sinusubukan yata nila talaga ang administrasyon ng PBBM.

***

Kapag napansin ito ng mga nakatataas na opisyal ng Malakanyang ang kalokohan at maaaring sabwatan ng mga lokal na opisyal sa Oriental Mindoro at mga kapulisan doon na nagbubulag-bulagan sa ilegal na peryahan diyan sa nasabing lalawigan, baka masampolan kayo at mapatawan ng matinding parusa. Kasama na ang pagsabon sa inyo upang mawala ang kabahuan ninyo diyan sa nasabing lalawigan. Gob???

167

Related posts

Leave a Comment