CAVITE – Patay ang isang 32-anyos na babae makaraang pagsasaksakin ng nakababatang kapatid na lalaki sa bayan ng Amadeo sa lalawigan noong Huwebes ng hapon.
Isinugod sa Silang Specialist Medical Center ang biktimang si Ruth Marquez y Javier, 32, may asawa, ng Brgy. Banaybanay, Amadeo, Cavite subalit idineklarang dead on arrival.
Pinaghahanap naman ang nakababatang kapatid na suspek na si alyas “Ruel”, binata, isang construction worker, na tumakas matapos ang pananaksak.
Ayon sa ulat, matagal na umanong may kinikimkim na galit ang magkapatid at nang muling nagkaharap ay nauwi ang kanilang pag-uusap sa mainitang pagtatalo.
Hanggang sa kumuha umano ng patalim ang suspek at pinagsaaksak ang kanyang nakatatandang kapatid sa kanilang bahay sa Brgy. Banaybanay, Amadeo, Cavite bandang alas-2:20 ng hapon.
Matapos ang pananaksak ay tumakass ang suspek at naiwan ang patalim na ginamit habang ang biktima ay isinugod sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.
Napag-alaman sa imbestigasyon na may matagal nang hidwaan ang magkapatid. (SIGFRED ADSUARA)
392
