POSIBLENG tumakbo na umano sa Cambodia o Thailand ang puganteng si Charlie “Atong” Ang, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang phone interview ng PNP Press Corps, sinabi ni Remulla na may mga ulat na patuloy ang operasyon ng online sabong ni Ang sa Cambodia. Ayon sa Kalihim, posibleng nakapag-set up na ng network si Ang sa nasabing bansa, base sa impormasyong kanilang nakalap at sa pahayag ng star witness na si Dondon Patidongan.
Posible rin umanong nagkaroon ng exodus patungong Cambodia at Thailand ang operasyon ng online sabong, na sa teorya ni Remulla ay kahalintulad ng naging galaw ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Gayunman, sinabi ng kalihim na ang naturang impormasyon ay hindi pa beripikado at patuloy pang kinukumpirma ng mga awtoridad. Posible rin umanong dumaan sa backdoor si Ang bago pa man mailabas ang warrant of arrest sa kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention na may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.
BI: Walang Record
Nilinaw naman ng Bureau of Immigration (BI) na wala pa rin silang namo-monitor na record ng paglabas ng bansa ng negosyante at gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang.
Ito ay kasunod ng pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na posibleng nasa Cambodia na umano ang puganteng negosyante.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, wala silang naitalang departure ni Ang sa alinmang international ports of entry at exit na binabantayan ng Immigration.
Matatandaang sinabi ng whistleblower na si Dondon Patidongan na posibleng gumamit ng backdoor si Ang upang makalabas ng bansa.
Sa kasalukuyan, hindi pa kanselado ang pasaporte ni Ang na nahaharap sa kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention sa mga korte sa Lipa City, Batangas at Sta. Cruz, Laguna.
Body Cam Sa Mga Pulis
Ipinag-utos din ni Remulla ang pagsusuot ng body cameras ng mga pulis na kasama sa mga operasyon sa paghahalughog ng mga ari-arian ng puganteng si Ang.
Ayon kay Remulla, layon nito na maiwasan ang anomang tukso o iregularidad gaya ng hulidap at upang maprotektahan din ang mga pulis na nasa operasyon.
Sa ngayon, bigo pa rin ang mga awtoridad na matunton si Ang matapos halughugin ang anim na ari-arian nito sa iba’t ibang lugar.
Halos limang dekada nang nasa industriya ng sabong si Ang at hindi umano maiiwasang magkaroon siya ng koneksiyon sa ilang pulis at opisyal na nagsilbi ring mga bodyguard. Dagdag pa rito ang bilyon-bilyong pisong kinita niya sa online sabong.
Sa kasalukuyan, may P10 milyong pabuya ang pamahalaan para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa kinaroroonan ni Charlie “Atong” Ang.
(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
38
