SINIMULAN na ang kauna-unahang public auction sa nakumpiskang luxury vehicles ng mga contractor na mag-asawang sina Curlee at Sara Discaya sa tanggapan ng Bureau of Customs sa Port Area, Maynila nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Customs Commissioners Ariel Nepomuceno, pito mula sa 13 luxury cars ang kanilang isusubasta.
Aabot aniya sa kabuuang mahigit P100 milyon ang halaga ng pitong magagarang sasakyan na natuklasang walang kaukulang mga dokumento.
Kabilang sa isinubasta ang Rolls-Royce Cullinan, 2023 edition na nagkakahalaga ng P45,314,391.11.
Kasama rin ang Toyota Tundra (2022) na halagang P4,994,078.00; Toyota Sequoia (2023), P7,258,800.36; Bentley Bentayga (2022), P17,311,11.93; Mercedes-Benz G500 (2019) Brabus, P7,843,239.43; at Mercedes-Benz G63 AMG (2022), P14,104,768.00.
Dumating sa public auction sina Department of Finance Secretary Frederick Go at Land Transportation Office (LTO) Chief Marcos Lacanilao, International Commission for Infrastructure (ICI) chairperson na si dating Justice Andres Reyes, at iba pang mga opisyal ng BOC.
Sinimulan ang seremonya sa pamamagitan ng pagbatingting sa maliit na kampanya bilang hudyat ng pormal na pagbubukas ng bidding.
Sinabi ni Nepomuceno, hindi lamang ang nabanggit na mga sasakyan ang kanilang target isubasta kundi ang iba pang mga sasakyan o ari-arian ng ibang mga contractor na sangkot sa maanomalyang proyekto upang sa ganun ay makabawi man lang ang gobyerno.
Sinabi naman ni Lacanilao, handa ang kanilang tanggapan na tumulong sa pagpoproseso ng mga kakailanganing dokumento ng mga mananalong bidder kaya wala silang dapat ipag-alala.
Bago ang pagsisimula ng pagbubukas ng public auction, inspeksyon at personal na tiningnan ni Finance Secretary Go ang luxury vehicles, kasama si ICI Chairperson Reyes.
(JOCELYN DOMENDEN)
70
