NAGKALOOB ang U.S. ng panibagong $1.5M emergency aid kasabay ng pagbisita ni Ambassador MaryKay Carlson, kasama si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., sa mga sundalong Amerikano at tropa ng Armed Forces of the Philippines na kasalukuyang nagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief operations.
INIHAYAG ng US Embassy sa Pilipinas ang pagbibigay ng karagdagang $1.5 million o katumbas ng P87 million emergency aid para sa disaster response effort ng Pilipinas para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyong Tino at Super Typhoon Uwan.
Kaugnay nito, umabot na sa $2.5 million o katumbas ng P145 million ang halaga ng ayuda na ibinigay ng Amerika para sa disaster relief mission.
Sa isang statement, inihayag ng Embahada ng Amerika sa Maynila na kabilang sa aid package ang suporta para sa logistics, emergency shelter, water, sanitation resources at sa pangangasiwa ng evacuation centers.
Ayon sa Embahada, patuloy ang kanilang pagtugon sa panawagan para sa tulong para sa isa sa kanilang kaalyado na Pilipinas at tiniyak ang patuloy na suporta sa mga pagsisikap ng bansa para makapagligtas ng buhay, maibsan ang paghihirap at matugunan ang agarang pangangailangan.
Ang patuloy na mabilis na pagresponde ng US ay patunay aniya ng malalim na ugnayan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas lalo na sa panahon ng krisis.
Nauna na ring nagpadala noong nakaraang linggo ang militar ng Amerika ng iba’t ibang asset at personnel sa Pilipinas para suportahan ang relief operations sa mga sinalantang lugar dahil sa bagyong Tino at Uwan.
Samantala, nakahanda rin ang Australian Government na magkaloob ng AUD3 million (PHP115.9 million) para sa humanitarian assistance para masuportahan ang Philippine Government sa pagtugon sa pinsalang iniwan ng Typhoons Tino at Uwan.
Ayon kay Australia’s Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown, “Australia always stands ready to support the Philippines. We commend the Philippine Government on their quick and extensive response to multiple disasters impacting millions of Filipinos. Australia is willing to work with the Philippine Government where it is needed as they continue their response efforts across the country.”
(JESSE RUIZ)
62
