DUMATING sa Quirino Grandstand si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasama si Vice Mayor Chi Atienza upang magbigay ng suporta sa nagaganap na peace rally sa lungsod.
Ayon sa alkalde, personal niyang sinuri ang mga nakadeploy na medical frontliner at ang mga itinakdang holding area para sa mga dadalo sa Maynila. Para naman sa mga inaasahang dadagsa sa tatlong araw na peace rally, handa umanong ipagamit ng lungsod ang ilang pasilidad, kabilang ang San Andres Sports Complex, Dapitan Sports Complex at Delpan Sports Complex.
Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga dumadalo, lalo na sakaling umulan.
Nakiisa rin ang alkalde at ang pamahalaang lungsod sa panawagan ng rally, bilang tugon sa paninindigang panagutin ang mga tiwaling opisyal. Naniniwala rin si Domagoso na iiwanang malinis ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo at ng mga nakiisa ang Luneta Park, tulad ng nakasanayan sa mga nagdaang pagtitipon—partikular na noong pagdiriwang ng INC noong Setyembre 21—na halos walang naiwang basura dahil sa kanilang disiplina at malasakit.
Gayunman, tiniyak ng alkalde na may mga tauhan mula sa Department of Public Safety na nakadeploy upang umalalay sa paglilinis. Umaasa rin siya na ang mga dadalo ay kusang magtatapon nang maayos ng kanilang basura.
Giit ni Domagoso, galit na ang taumbayan dahil sa mga nabunyag na maanomalyang proyekto at matinding korupsyon nitong mga nakaraang buwan. Kaya aniya, panahon na upang managot ang mga dapat managot.
Binigyang-diin din niya ang panawagan sa mga politikong nagbabalak sumakay sa isyu para sa pansariling interes: “Kaya ‘yung mga gustong sumakay na politiko, huwag n’yo nang gamitin ang okasyong ito para sa inyong political interest. This is about the country. Ang intensyon ng INC ay magkaroon ng kapanatagan at papanagutin ang mga nagkasala,” sabi ng alkalde.
(JOCELYN DOMENDEN)
67
