BABARILIN AKO NI MARTIN – ZALDY CO

PINAGBANTAAN umano ni dating House Speaker Martin Romualdez si resigned Congressman Zaldy Co na babarilin kapag nagsalita hinggil sa katiwalian sa flood control projects.

Isinaad ito ni Co sa kanyang ikatlo at huling bahagi na video statement na ginawa sa hindi binanggit na lugar.

Kasabay nito ay ibinunyag niya na hindi P21 billion lamang ang flood control projects sa Bulacan kundi P56 billion na ang may-ari aniya ay si Pangulong Bongbong Marcos.

“March 2025 pa lang, si Speaker ay nagpaparinig na sa akin sa aming meeting that he will shoot me if I will talk,” ani Co na umaming umalis sa bansa noong July 19, 2025 para magpagamot subalit pinigilan siya ni Romualdez na umuwi pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Marcos noong July 28.

“At pagkatapos niyang sabihin sa akin in a phone call na don’t come home we will take care of you, tumawag ulit si Speaker Martin at sinabihan niya ako na ‘pag umuwi ako it would be dangerous kasi they might hire someone to do a rubout on me or hired a police to kill me while in jail,” ayon pa kay Co.

Sa kanyang unang dalawang bahagi na video statement, inakusahan ni Co si Marcos na nagpasingit ng P100 billion halaga ng proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bicameral Conference committee ng 2025 national budget.

“Nagsimula ito noong tumawag si Sec. Mina Pangandaman sa akin, noong nag-umpisa ang BICAM process last year, 2024. Ang sabi niya, katatapos lang ng meeting nila ni Pangulo at may instructions na mag-insert o magpasok ng 100 billion worth of projects sa BICAM,” ani Co.

Upang mapatotohanan ang instruksyon ni Marcos, sinabi umano ni Pangandaman kay Co na tawagan nito si USEC Adrian Bersamin kaya matapos nitong patotohanan ito ay isinangguni niya ito kay Romualdez.

“Right after our conversation, tinawagan ko po si dating Speaker Martin Romualdez at nireport ko ang instructions ng Presidente to insert the 100 billion projects. At sinabi niya sakin, what the President wants, he gets,” ani Co.

Sinabi ni Co na 25% umano ang komisyon ni Marcos sa nasabing proyekto kaya nagdeliber ito ng P25 billion na nakalagay sa mga maleta sa bahay ng dalawa sa North at South Forbes Park sa Makati City at maging sa Malacanang.

“Una pa lamang ito sa gusto kong ibunyag, marami pa akong dadalhin sa liwanag. Isa na rito ay yung kay Henry Alcantara, ang DPWH boys, ang sinasabi nilang halaga sa ICI ay P21 billion.

Hindi po totoo yan, ang totoong numero ay 56 billion pesos at yun pong halaga na ‘yan ay kay Pangulong Bongbong Marcos at kay Martin Romualdez napunta lahat,” ayon pa kay Co sa kanyang ikatlong video statement.

“Ilalabas ko po ang mga detalye sa darating na mga araw. Konting pasensya pa po. Sana po ay hindi nila ako mapatay bago ko mailabas ang lahat,” ayon pa sa dating mambabatas kung saan humingi ito ng paumanhin sa mga Pilipino at kanyang pamilya.

“Ginawa ko lang ang utos sa akin pero ngayon handa na akong harapin ang lahat. Uulitin ko po, yun pong pera wala pong napunta sa akin. Dumaan lang po ang pera sa akin para ideliver kina Speaker Martin Romualdez at Pangulong Marcos,” huling mensahe ni Co.

(BERNARD TAGUINOD)

75

Related posts

Leave a Comment