KAILANGAN nang matapos ngayong linggo ang pamamahagi ng ayuda ng mga mga local government units (LGU) na isinailalim sa mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) nitong nakaraang Agosto.
Sa tala ng Department of Interior and Local Government (DILG), may mga LGUs pa rin sa lalawigan ng Laguna at Bataan ang hindi pa tapos sa pagpapamahagi ng cash aid sa mga pamilyang apektado ng paghihigpit bunsod na rin ng banta ng nakamamatay na COVID-19.
Sa isang pahayag, tinukoy ni DILG Secretary Eduardo Año ang Laguna na may 99.8% distribution rate at Bataan na mayroon namang 80.33%.
Napag-alamang tatlong LGUs pa sa Laguna ang hindi pa nakakakumpleto ng disbursement, kabilang ang San Pedro na may 99.76% distribution rates, Santa Cruz na may 98.49%, at Calamba na may 94.48%.
Samantala, sa Bataan naman, dalawang LGUs pa lamang, na kinabibilangan ng Samal at Abucay, ang nakakumpleto ng disbursements. Samantala, mas mababa pa sa 70% ang naipamahaging cash assistance ng Mariveles at Dinalupihan.
Ani Año, ang 80.33% na distribution rate sa Bataan ay katumbas pa lamang ng 560,901 beneficiaries.
Kabilang din sa mga lugar na isinailalim sa ECQ ay ang Metro Manila na una nang nakatapos sa distribusyon ng ayuda. (LILY REYES)
141 